Pogi
ako!
by Noli
Pasco
MAHIRAP talaga
kung ang pogi points ay mataas.
Hindi ko alam
kung kailan o saan nag-umpisa ang paggamit sa terminong pogi points
bilang sukatan ng kagwapuhan ng isang lalaki. Alam ko lamang na
noong kalagitnaan ng dekada nobenta, ang ilan sa aking mga kamag-aral
at kapitbahay na babae ay nag-umpisa sa gabi-gabing pagtawag sa
aming bahay (na ikinainis naman ng aking mga magulang at dalawang
nakatatandang kapatid na babae dahil hindi raw makatawag ang kanilang
mga syota).
Katorse ako
noon nang sabihin sa akin ni Jennie habang binabaybay namin ang
kalye ng Vito Cruz na "medyo cute" raw ako. Pero huwag na huwag
daw akong magkakamali na isiping may gusto siya sa akin. (Dahil
absolutely wala raw talaga). Tatlong gabi mula noon, nagkita ulit
kami sa food court ng SM Megamall kung saan sinabi niya na dahil
wala raw akong girlfriend at wala naman siyang boyfriend noong panahong
iyon, Mag-Un (MU) na raw kami.
Minsan ay parusa
talaga ang masyadong cute. Hanggang sa mauso na nga ang mga katagang
pogi points at tinukso na nga ako ng aking mga kapatid na nang nagsabog
ng pogi points ang Lumikha, naligo raw ako hanggang sa ako ay magka-pneumonia.
Tuwang-tuwa
ako noong 1994 nang sa wakas ay nagkaroon na kami ng telepono sa
bahay. Ibinigay ko lamang muna sa sa ilang kaibigan ko ang numero
ng telepono namin ngunit talagang nagulat ako nang biglang tumawag
ang pito o walong mga kaklase kong babae sa loob lamang nang ilang
araw. Parang bagyong sumagitsit sa aking high school ang balitang
may telepono na kami. Ayon kay Sherlie, nakasulat pa raw sa salamin
ng girl's CR ang number ko kasama ng ilang impormasyon tungkol sa
akin katulad ng aking paboritong kulay, paboritong pagkain, sports
na aking nilalaro, at kung mas gusto ko sa babae ang may mahaba o
maiksing buhok.
Isang hindi
ko pa makalimutan ay noong nagkamali ako sa pagsakay ng bus. Dahil
sa pareho ng kulay at pagod ako nang araw na iyon, umakyat ako sa
dilaw na school bus ng St. Scholastica. Nang makarating ako sa isang
bakanteng upuan, nagtaka ako kung bakit biglang tumahimik ang lahat.
Paglingon ko sa aking likod, nakita ko na lahat pala ng nakasakay
roon maliban sa akin ay babae at pinagtitinginan na ako! Medyo natakot
nga ako dahil isinara na nga nila ang pinto at hindi ako pinalabas
hanggang hindi ko naibigay ang address at number ko.
Hanggang sa
ngayon na ako ay nasa kolehiyo na, hindi pa rin tumitigil ang pagtawag
at pagdalaw sa akin sa bahay ng iba't ibang babae. At dito, wala
sa bahay ang natutuwa maliban sa aming kusinera. (Minsan ay nagkakaroon
kami ng apat na libreng ulam bawat gabi). Gayunpaman, inaasikaso
ko nang maigi ang aking mga bisita dahil alam kong gusto lamang
nila akong makita o makausap kahit sandali.
Hindi lang
alam ng iba, pero sobrang parusa talaga ang may mataas na pogi points!