Click here!
Isyu 1
Abril 2, 2001
 

Home
This Issue
Tinig 101
Staff
Contribute
Guestbook


Kurakot boy
ni Perfecto Caparas II

(Philippine Journalism Review, Lito Ocampo)

Binibihisan ng pulang silahis ang tambakan.

Nanlalagkit sa naghalong pawis at libag ang kili-kili, leeg, at singit ni Abet. Nakapa ni Abet sa bunton ng basura ang isang kulay pulang ash tray.

Suwerte, nasambit niya sa sarili. Buong-buo 'to at magagamit pa.

Masaya niyang isinilid sa nakabalandrang sako ang ash tray na kinulapulan na ng makakapal na lupa at alikabok.

Ihihiwalay ko na lang 'to pag timbang kina Aling Divina bukas nang maagang-maaga, naglalaro sa isipan ni Abet. Nakakaramdam na siya ng panlalata at panghihina. Sa tambakan siya humantong matapos ang maghapong paglilibot sa mga lansangan ng siyudad ng Maynila.

Kasama niya si Enat at si Oxo. Kanya-kanya silang bitbit ng sako. Nagkakatuwaan pa sila nang simulan nilang maglakad-lakad sa paghahanap ng "yaman sa basura" kaninang umaga.

Pangiti-ngiti si Enat sa nakayapak na paglalakad.

Hayup 'yung mama, Oxo, oh! De-hins halatang Kurakot Boy, 'tol, pang-aalaska sa kanya ni Abet. Itinago kasi ni Enat sa likod ng kanyang short ang tinuping sako.

Simpleng Kurakot Boy. 'Yan ang manahin n'yo, nakangiting banat naman ni Enat.

Tumingin lang ang nakakunot-noong si Oxo.

Di siya maalaska ni Abet. Subalit sa loob-loob niya, Masyadong dinidibdib ng loko ang trabaho. Pero maghahamon lang 'yan ng kara-krus mam'ya.

Si Abet ang pinakabata sa tatlo. Naengganyo siyang sumama sa dalawang kaibigan. Diyakpat nga naman. Sa kanilang paglilibot, makakapulot sila ng aluminyo, tanso, bakal, plastik, bote, lata at iba pang mapagkukuwartahan.

Talas ng mata ang kanilang puhunan. Iniispatan nila ang mga bunton ng basura na nangagkalat sa mga lansangan. Doon.... Nasa bunton ng basura ang kanilang pag-asa.

Sumigla ang tatlo nang makita nila ang mga inilabas na basura sa tapat ng isang bahay sa Kalye Pureza sa Sampalok. Mas marami, mas maganda. Mas malaki ang tsansa na mas marami silang maisisilid na ginto sa kani-kanilang sako. Bago-bago pa ang mga lata ng gatas na nakita ni Abet sa loob ng plastik ng basura.

Parte-parte silang tatlo sa mga lata ng gatas. Nakayuko ang kanyang ulo sa pag-ispat sa loob nito. Hanap ng mata ang anumang grasya.

Ayun! Lagyanan ng kolgeyt! Dinukmo ng kanyang maliit na kamay ang aluminyong kaha nito. Dumausdos sa pinakailalim ng kanyang sako na isang lata pa lamang ng gatas na evap ang pabigat ang sisidlan ng kolgeyt.

Tsk. Malas, 'yun lang pala ang laman. Pero di bale, marami pa kaming makikitang basura, usal ni Abet sa sarili.

Pagbaling ng kanyang mga mata sa kabilang bangketa, nakita niyang hinahalukay ni Oxo sa pamamagitan ng isang istik ang loob ng isang basurahang hugis-bilog at gawa sa semento. Sa paningin ni Abet, animo'y siyentipiko sa laboratoryo si Oxo na nakakunot ang noo at matamang sinusuri ang kanyang eksperimento. At makaraan ang marahang paghahalukay, mistulang kagalang-galang si Oxo sa bahagyang pagyuko at pag-abot ng kamay sa napulot niyang yaman. Mabilis niyang isinilid sa kanyang sako ang tuklas.

Ahh, sa loob-loob ni Abet, dapat ding mag-ingat.

Marumi nga naman ang basura, kaya nag-iingat si Oxo, naisip-isip ni Abet. Di niya maisip na may ingat din pala sa sarili si Oxo. Kahit batang-kalsada.

Habang sige ang kanilang paglalakad-lakad sa pasikot-sikot ng Maynila, napansin ni Abet na lumalayo na ang distansiya nila sa isa't isa. Kanya-kanya na silang diskarte. Seryoso na ang bawat isa sa hanapbuhay.

Humahapdi na ang mga mata ni Abet sanhi ng patak ng pawis. Sa kanyang pakiramdam, mistulang nagkakalyo na ang kanyang balat sa mukha, sa batok, sa braso, hita, tuhod, at paa sa nagliliyab na latay ng nagngingitngit na araw. Sa kanyang pakiwari, pinapawisan maging anino ni Enat na nakita niyang naglalakad nang mabilis at maliksing kumakalaykay sa basura. Mistulang uhog naman na pumapatak ang pawis maging sa ilong ni Abet.

Subalit nakakaramdam ng ibayong pagtatag ng kanyang katawan si Abet habang patuloy silang tatlo sa magkakalayo subalit di naghihiwa-hiwalay na paglalakad. Magdidikit lamang silang tatlo kapag nakita nilang malinis ang lansangan na kanilang tataluntunin. Iispatin nila ang sakong bitbit ng isa't isa sa balikat. Dadantayan nila ng kanilang kamay ang sako ng bawat isa.

Wari bang tinitimbang nila ang halaga ng hirap na kanilang pasan-pasan sa balikat. Nangulit si Abet. Saglit niyang ibinaba ang kanyang bitbit na sako at sinabi kay Enat: Pabuhat nga ng dala mo.

Di naman kumibo si Enat nang sunggaban ni Abet ang dulo ng sako na nakaipit sa nangingitim sa duming kamao ni Enat.

Tang-ina! Ang bigat! pasigaw na wika ni Abet. Para siyang napairi nang muntik nang sumama sa bigat ng sako ni Enat ang kanyang patpating katawan.

Tawanan sina Enat at Oxo. Sinunggaban naman ni Oxo ang sariling sakong inilapag ni Abet at inangat-angat.

Mahal na rin aabutin 'to, sambit ni Oxo. Natuwa si Abet sa sinabi ni Oxo. Ewan niya, subalit sa paningin ni Abet, waring maalam na maalam si Oxo sa lahat ng bagay.

At nagpatuloy na ang tatlo sa sama-samang paglalakad. Sa di-kalayuan, tumambad sa kanilang paningin ang gabundok na tambak ng lupa.

Halika, lapitan natin! may kislap sa mga matang pagyayaya ni Enat kina Oxo at Abet. Tumango lamang si Oxo pagbaling ng tingin kay Enat. Magkapanabay naman halos na sumibad ng takbo sina Enat at Abet patungo sa gabundok na lupa.

Halos mapuno ng tubig ang mga pinaghukayan. Pagala-gala sina Oxo at Enat. Pinagmamasdan ang mga hukay na natutubigan.

Mailap naman ang mga mata ni Abet. Hanggang sa sandali ng paglilibang ng dalawa niyang katsokaran, naghahanap pa rin siya ng yaman. Ooops, biglang naispatan ni Abet ang ilang piraso ng aluminyo sa gilid ng isang hukay na hugis-kuwadrado. Nang lingain niya sina Oxo at Enat, nakita niyang napatingin din ang mga ito sa pinagtutuunan niya ng pansin. Nang astang lalapitan nina Oxo at Enat ang mga aluminyo, mabilis na tumakbo si Abet papunta sa kinaroroonan ng mga aluminyo.

Poto-pinis! Nasunggaban ng dalawang kamay ni Abet ang mga aluminyo. Subalit sa bilis ng kanyang takbo, nawalan siya ng kontrol. Tuloy-tuloy na dumausdos ang kanyang mga paa patungo sa hukay.

Matunog na hagalpakan nina Enat at Oxo ang umalingawngaw sa kanyang pandinig.

Ninerbiyos si Abet.

Malalim! Malalim! habol-hiningang sigaw niya sa mga kaibigan.

Napakapit ang kanyang dalawang kamay sa patag na lupa na nasa gilid ng hukay. Di nararamdaman ni Abet ang ilalim ng lupa. Abot hanggang sa kanyang dibdib ang tubig na kulay-tsokolate.

Nabitiwan niya ang mga aluminyo.

Ugh! Tulungan n'yo 'ko! sigaw ni Abet sa dalawang nagkakatuwaang kaibigan na animo'y mga unggoy na nagsisipagtalunan.

Nang makita ng dalawa ang sindak sa mga mata ni Abet, nagtig-isang kamay sila sa pag-abot sa dalawang kamay ni Abet. Pagkaahon, muling naghagalpakan ng tawa ang dalawa. Hingal-kabayo si Abet.

Ha ha ha, halakhak nina Enat.

Nakikipag-karerahan ka kasi, eh.

Sige pa rin ang bungisngis ng dalawa habang nagigitla namang pinagmamasdan ni Abet ang sariling nadadamitang katawan na basang-basa. Putikan ang kanyang ayos. Buti na lang, di pati mukha, pasasalamat ni Abet sa kanyang loob-loob. Kundi lalong nakakahiya.

Dinampot niya ang nabitiwang mga aluminyo. Sandali niyang pinagmasdan sa kanyang mga palad ang mga ito.

Dahil sa n'yo, muntik na 'kong malunod, pagngingitngit niya sa sarili, sabay silid ng mga aluminyo sa sako.

Malapit nang mapuno ng laman ang kani-kanilang sako.

Di na naninibasib ang nag-aapoy na init.

Hinubad ni Abet ang kanyang tisyert, piniga at isinabit sa harap ng kanyang nanggigitatang shorts.

Sumapit ang tatlo sa isang nababakurang lote na nagsilbing tambakan ng basura.

Naglipana ang mga langaw at bangaw.

Nagkikislutan naman ang alon ng kulay puting mga uod sa nabubulok na katawan ng patay na daga. Mistula namang buhok ng tao sa biglang-tingin ang maiitim na balahibo ng isang dedbol na pusa.

Ahh, di rin tutoong siyam ang buhay ng pusa, sa loob-loob ni Abet. Oh, siguro kung siyam man, tiyak na pangsampung beses na siyang niyari kaya siya tuluyang natigbak, usal niya habang kinakalaykay ng isang istik ang tambakan.

Kayang-kaya na ng sikmura ni Abet na makipaghalikan at makipagyapusan sa bituka't lamang-loob ng basura. Maingat na siya ngayon. Titingnan niya muna ang laman ng anumang bagay bago niya isilid sa kanyang sako. Minsan kasi, nagsilid si Abet ng isang malaking lata na nakatakip sa kanyang sako.

Mabigat ang nakasarang lata. Dahil nahirapan siyang buksan ang lata, naisip niyang sa oras ng pagbebenta na lamang niya ito bubuksan. Gayon nga ang kanyang ginawa. Susmaryosep, nang buksan ni Abet sa harap ni Aling Divina ang lata, binato siya nito ng matalim na tingin.

Tae pa pala ang laman niyan! galit na galit na wika sa kanya ni Aling Divina. Linisin mo 'yang sahig! paangil nitong utos sa kanya sabay talikod nang pisil-pisil ng dalawang daliri ang ilong.

Sa loob-loob ni Abet, okey lang na singhalan siya ni Aling Divina. Huwag lamang sana siya nitong dayain. Kasi, tuwing pinatitimbang niya sa tao nito ang kanyang sako ng mga lata, pirming di balanse ang timbangan. Lagi siyang ginugulangan. Di naman siya makahirit. Wala siyang ibang mapagbebentahan. Monopolista si Aling Divina. Solo siyang bumibili ng lata sa kanilang lugar.

Nang minsang matiyempong muli siyang magpatimbang, nasaksihan ng asawa ni Aling Divina ang pandaraya kay Abet. Sinita ng asawa ni Aling Divina ang tao nito.

Kulang 'yang timbang ah! pansin nito sa tao.

Eh 'yan po ang utos ni Aling Divina eh, sagot ng tao.

Inagaw ng asawa ni Aling Divina ang timbangan. Siya mismo ang tumimbang sa sako ni Abet.

Iyon ang tanging pagkakataon na nabayaran si Abet nang parehas ni Aling Divina.

Napukaw ang pansin ni Abet ng sunod-sunod na pagbusina. Napalingon si Abet. Isang owner na dyipni pala. Napasulyap si Abet sa kinaroroonan nina Enat at Oxo. Bahagya silang magkalapit habang nakatayong sinisipat mandin ng tingin ang mga lihim ng basura. Paglingang muli ni Abet sa dyipni, saka lamang niya nahinuhang siya pala ang binubusinahan. Tumabi si Abet. Nagmistula na ring basurahan pati lansangan.

Nakasimangot ang babaeng nakaupo sa tabi ng lalaking drayber ng umuusad na dyipni. Nasulyapan ng nakayukong si Abet sa pagkalaykay sa basura ang babae. Nakukulapulan ng makapal na meyk-ap na kulay-tae ang maputing mukha nito. Iniismiran ng babae na nagkakaedad nang mga tatlumpung taong gulang ang tambakan. Mahigpit na pisil-pisil ng mga daliri nito ang kulay puting panyo na nakatakip sa kanyang ilong. Sa pakiramdam ni Abet, diring-diri sa basurahan ang babae.

Gumitaw sa musmos niyang kamalayan ang pagtataka at pagkamangha sa reaksiyon ng napadaang babae.

Diring-diri ang babae sa tambakan ng basura.

Nagmistulang bulag sa isip-isip ni Abet ang babae. Waring di nito nakita si Abet, gayong isang metro lamang ang pagitan ni Abet sa nakaismid na babae.

Napayuko si Abet nang maisip niya ang kanyang sarili. Si Enat at si Oxo.

Sana, sana, kung mayaman lang sana si Itay, eh di sana nakasakay rin ako sa ganyang sasakyan. Kung di lang sana kami mahihirap nina Enat at Oxo, sana wala kami rito, lumalatay ang gayong kaisipan sa murang kamalayan ni Abet.

Bigla, sa pakiramdam ni Abet, tila nawalan ng saysay ang kabuluhan nila nina Enat at Oxo sa mundo. Ano ang saysay ng anyong kagalang-galang ni Oxo kung namumulot nga lamang sila ng basura?

Sakmal ng kalungkutang tinanaw ni Abet ang dalawang kaibigan.

Pareho sila ngayong naka-iskwat sa paghahalukay sa bunton ng basura. Isinisilid ni Enat sa sako ang isang bote ng suka.

Mistula namang nag-iisip nang malalim si Oxo sa pagbubungkal ng tambakan.

Sila, silang tatlo.

Pawang anak sila ng basurahang pinandidirihan ng babae.

Silang tatlo na nakikipamuhay sa piling ng nagkikislutang mga uod. Silang nanganlilimahid. Katalik ng buhay at patay na mga hayop.

Silang abuhing langit ang bubungan. Putik at lusak ang nilalakaran.

Silang mistulang inulila sa kanilang paggalugad sa lansangan.

Silang basura....

Bakit di niya kinakitaan ng gahibla man lamang pagmamalasakit sa kanya bilang isang bata ang babaeng nagdaan? Bagkus, pandidiri at pagkasuklam ang kanyang naramdaman sa pang-iismid nito sa basura. Oo, suklam at pandidiri.

Walang anumang pagpapahalaga kay Abet ang babae.

Nag-uumalpas ang isang nag-uumulol na sigaw sa kanyang kalulwa.

Isa akong bata.

Bakit ako naririto? Tinanong mo ba?

Gusto ko bang masadlak sa tambakan?

Tinanong mo ba kung nasaan ang aking mga magulang?

Tinanong mo ba kung bakit ako naghihirap? Oo, basura rin ako.

Subalit may pumipintig na damdamin sa sinapupunan ng aking pagkatao.

Tao ako.

Di basura.

Subalit masahol pa sila sa basura.

Dinidilaan ng pula subalit dahan-dahang naglalahong liwanag ang tambakan. Mistulang malawak na kaparangan ang basurahan. Tanaw ang dulo ng walang-hanggan.

Umiigkas sa kamusmusang-isip ni Abet ang paghihimagsik.

Sa piling ng mga basurang isinuka at itinakwil ng lungsod, naramdaman ni Abet na di siya naiiba. Kabilang siya sa basura.

Humihinga siyang basura. Tulad ng nangagkikislutang uod. Tulad ng nanghahalihaw na asong-ligaw. Tulad ng nangagliliparang langaw at bangaw. Sa sansaglit na iyon, nadama ni Abet ang pagtigas ng kanyang damdamin.

Abet! Tara na! sigaw sa kanya ni Oxo. Nakatayo si Oxo at nagmumuwestra pa sa kanyang aalis na sila, sabay dampot sa nakalatag na maruming sako sa tambakan at sampay nito sa kanang balikat. Dalawang sako naman na kapwa namumukol sa laman ang pasan-pasan na ni Enat sa magkabilang balikat.

Nilalamon na ng karimlan ang tambakan.

Ahh, tambakan... pabuntong-hiningang nawika ni Abet sa sarili - sabay sunggab ng kanyang maliit at nanggigitatang kamao sa dulo ng nanggigitata ring sako at sabay sukbit nito sa kanyang nakalaylay at sunog na balikat – Ikaw ang lungsod.




Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved.


In this issue:

Mula sa Patnugot:
Sa wakas, ang Tinig.com!

Pogi ako! ni Noli Pasco

Tinig ng Generation txt
ni Ederic Peñaflor Eder

A tidal wave of loving memories by Tina Briones

There in EDSA by Noel Pascual

Desperately seeking Imee Martinez by Tembarom

Ang paglalakbay ni killerpogi

My name won me friends

Word war ni Ms. Angel

Maikling Kwento:

Kurakot Boy ni Boyet Caparas