AD SPACE: Peyups.com
Isyu 1
Abril 2, 2001
 

Home
This Issue
Tinig 101
Staff
Contribute
Guestbook


Ang paglalakbay
ni killerpogi

Sa aking pagmamadali upang makarating agad sa aking pinagtratrabahuhan sa Quezon City, hindi ko napansin na ang nasakyan kong bus ay kinakalawang na sa katandaan. Napakabagal at mausok ang tambutso nito at dapat ay pinakakapitan na lamang ng talaba sa dagat ng Cavite. Naiinis ako sa tuwing tatakbo ang bus na aking nasakyan; niyuyugyog ang buo kong katawan at nahihilo na ako sa itim ng tambutsong aking nalalanghap sa ito'y umaarangkada. Hayyy naku! Napakahirap nang nagtitipid: upang magkasya ang badyet mo ay magtitiis ka sa isang sasakyang walang aircon.

Dumaan ang sinasakyan kong bus sa may Bicutan at aking napagmasdan ang hanay ng mga maliliit na bahay sa tabi ng mahabang daan ng South Super Highway. Napansin kong wala pa ring pinagbago ang lahat: naroon pa rin ang mga sira-sirang barong-barong ng mga tinatawag nilang iskwater na nakikiamot sa maliit na lupa sa tabi ng riles ng tren. Hindi nila alintana kung mapanganib ba o hindi ang kanilang pagkakalagay sa bahagi ng lupang pag-aari ng gobyerno. Kumusta na kaya ang mga taong naroroon? May pagbabago kaya sa kanilang buhay? Ano na kaya ang nagawa ng gobyerno ngayon para sa kanila? .Ahhhh, ewan. Hanggang sa ngayon ay tila wala pa ring pagbabago sa takbo ng buhay ng mahihirap sa lungsod. Paano na kaya ang mga maralita na naroroon sa malalayong lugar, napapansin pa rin kaya ng mga kinauukulan? Marahil ay hindi na. Kung ang mga maralitang taga-lungsod na laging sumisigaw sa mga lansangan upang maipahayag ang kanilang mga kahilingan ay hindi nabibigyan ng tugon, paano pa kaya ang mga taong sa lupa lamang nabubuhay at naghihintay na lamang ng mga pagkilos ng pamahalaan upang mabigyan naman sila ng kaginhawaan? Hindi ko alam ang kasagutan subalit nagngingitngit ang aking kalooban sa tuwing maalala ko ang mga bagay na iyon .

"Buendia, Buendia" Napabalikwas ako sa sigaw ng kunduktor ng bus, ang alam ko ay napalitan na ang pangalan ng kalyeng ito subalit hindi pa rin makaalis ang Pilipino sa nakagisnan, parang ayaw sumabay sa pagbabago ng panahon, mas ninanais pa nila ang makalumang bagay at ayaw ng pagbabago, kaya marahil wala tayong makikitang pagbabago sa bayan. Nagising ang inaantok kong diwa sa kalampag ng kunduktor ng mapatapat ang aming sinasakyan sa Gil Puyat Avenue.

Nagising rin ako sa katotohanang malayo na pala ang agwat ng mahirap at mayaman sa lungsod. Naglalakihang gusali at establiseyemento ang nadaanan ng aming sinasakyang bus sa may Makati. Napakagandang tingnan ang mga naglalakihang bundok na bato sa lingsod na iyon; mapapamangha ka sa ganda at galing ng mga gumawa ng mga gusaling ito. Magkano kaya ang halaga ng kanilang ginugol upang malikha ang ganitong pagbabago sa lungsod? Napakalaki siguro. Ano kaya ang pakiramdam ng mga meron? Ang sarap siguro ng buhay nila. Naalala pa kaya nila ang mga naghihikahos sa lipunan?

Tumalilis nang takbo ang sinasakyan kong bus nang mapansin ko ang mga mukha ng mga kakandidato na nakapaskil sa bawat pader na madaanan ko sa kahabaan ng EDSA, hindi pa magkasya ang lahat pati ang mga poste ng Meralco ay narurumihan na rin ng mga papel ng mga larawan ng mga taong sa akala mo ay mga anghel sa kanilang pagkakangiti. Hindi kaya nangalay ang mga panga ng mga hinayupak na iyan sa kanilang pagkakangiti, hehehehe," ang naibulong ko na lamang sa aking sarili. Nanghihinayang ako sa mga papel at sa pader na kanilang pinagdirikitan. Dinurumihan lamang nila ang buong paligid sa mga walang kakwenta-kwentang imahe na idinidikit nila sa pader.

Sa di kalayuan ay natanaw ko ang isang larawan na sa akala ko ay si Maria Clara. Sa kanyang kasuotan ay ipinakakikita niya na siya ay isang Pilipina subalit kung siya ay mag-isip at magsalita sa kanyang kapwa Pilipino ay halos isadlak niya sa lupa. Napakatapang na babae subalit kung mang-alipusta ng kapwa ay gayon na lamang na para bang siya lamang ang magaling sa mundo. Hindi ko maintindihan ang babaeng ito, nasisiraan na yata ng bait. Magkasalungat ang kanyang ipinakikita sa larawan sa tunay niyang pagkatao. Pilit niyang inaabot ang masa sa kaniyang ipinakitang larawan upang sa gayon ay maiboto siya ng mga karaniwang tao gayong ang mga ito ay kanya namang inalipusta. Ilan pa kaya ang katulad niya rito sa ating lipunan na gustong mamuno sa bansa subalit ang interes lamang na pansarilli ang mahalaga? Ilan pa kaya ang mapagkunwaring larawan ang nakapaskil sa pader ang makalilinlang sa walang kamalay-malay na mamamayan? Ilan pang matatalinong tao ang kayang yumurak sa walang kalaban-labang nilalang?

Malayo na pala ang aking nilakbay at makakarating na rin ako sa aking pupuntahan Napadaan ako sa malaking eskultura sa EDSA. Kumusta na kaya ang diwa ng lansangan na ito? Tunay kayang nagbago na ang Pilipino sa ngayon? Natuto na kaya sila sa mga nangyari sa nakalipas? Malaki ang eskultura na para bang ipinangalandakan ang isang kahapon, upang maalala muli ng bawat magdaraan rito ang nakaraan. Nakadalawang kabanata na tayo ng pakikipaglaban sa kalsadang ito subalit hindi pa yata natututo ang mga Pilipino.

Ilang bantayog pa kaya ang dapat nating itayo upang hindi malimutan ang mga pagkikipaglaban ng mga Pilipino sa kabulukan ng pamahalaan? Kailangan bang laging sa lansangan magtatapos ang pakikipaglaban? Kailangan bang laging sa lansangan magmumula ang katinuan? Kailangan bang laging humiyaw sa lansangan ang mamamayan upang marinig ng kinauukulan. Kailan ba magiging laging bukas ang tenga at isip ng pamunuan sa tinig ng lipunan? Napakaraming tanong para sa bantayog sa EDSA ngunit ang eskultura ay isa na lamang yatang palamuti sa tabi ng lansangan upang ang mga taong nagdaraan rito ay maaliw naman sa kanilang paglalakbay.

Nasa may Cubao na pala ako, nagsisiksikan na ang mga gustong bumaba at sumakay sa bus na aming sinasakyan. Nag-uunahan sa pagsakay at pagbaba ang lahat na parang nagmamadali. Napakabilis ng takbo ng .panahon--lagi na lamang hinahabol ang lahat-ito'y kasing bilis ng takbo ng sasakyang pampubliko na aming sinasakyan. Ngunit sa bilis ng takbo nito hindi na yata kayang mag-isip ng mga tao. Kung gaano kabilis ang takbo ng panahon ganoon rin kabilis makalimot ng lahat sa mga pangyayari. Nakalimutan na nila ang nangyaring sakuna na naganap sa Cubao. Kinabahan ako sa sinakyan naming bus ng maalala ko ito. Nangamba ako na muling magkaroon ng pagsabog sa lugar na ito. Huwag naman sana. Nakakatakot ang pangyayaring iyon subalit nabalewala na lang yata ngayon.

Ang lahat ay abala.--abala sa pagpapaganda at pagpapagwapo ang mga taong dapat ay magpursigi sa pagtuklas kung sinu-sino ang mga salarin sa mga pangyayaring iyon. Ang namumuno sa ngayon ay wala nang panahon sa pagtuklas kung sino talaga ang salarin sa mga walang patumanggang pagpatay sa mga walang malay. Noong hindi pa sila nakaupo sa kanilang puwesto ay pinangangalandakan nila na napakalaki raw ng badyet ng kapulisan at sapat na upang hanapin ang mga salarin. Ano ba raw ang ginagawa ng dating administrasyon? Ipinagsisigawan nila na kasalanan ng dating administrasyon ang mabagal na hustisya ngunit bakit ngayong sila na ang nakaupo ay parang wala ring nangyayari sa hustisyang kanilang hinahanap noon. Wala rin pala silang pagkakaiba.

Sumabay na rin ako sa mga bumaba sa bus sa may Cubao upang muling sumakay naman sa isang jeepney papunta sa aking pinagtratrabahuan. Napakalayo ng aking nilakbay. Nainip at napagod ako sa haba at tagal ng aking paghihintay, Salamat na lamang at ako ay nalibang sa aking mga nakita sa lansangan. Ang mga ito'y nagbigay sa akin ng pag-asa--na sa haba man ng ating lakbayin tayo ay may mararating rin at matatapos rin ang panahon ng paghihintay at pagkainip.

Malayo na rin ang itinakbo ng pulitika sa Pilipinas, marami na ring naganap na maaaring makapagbigay aral sa lahat ngunit hanggang saan na ba talaga ang ating narrating? Tila wala pa rin. Tila butas pa rin ang gulong ng bulok na gobyernong ating sinasakyan . Marami pa ring kalawang na dapat tiktikin at marami pa ring bahagi na dapat linisin upang magmukhang bago naman. Mas mainam siguro na palitan na ang karborador. Kung maaari ay palitan na pati ang buong makina nito upang mawala na ang makapal na usok na nakakasuka sa lipunan at upang tumulin at gumanda naman ang takbo ng ating pamumuhay. Kailan kaya natin papalitan ang bus ng ating lipunan, kailan tayo susulong sa isang maunlad na pamayanan?

Sawa na akong sumakay sa isang bus na bulok at mausok. Sana bukas sa muli kong paglalakbay nawa ay makasakay naman ako sa isang maganda, malinis, matino at malamig na sasakyan.

 

==========
Si killerpogi ay laging nakatambay sa Rebelde.com.




Copyright © 2001 Tinig.com
All rights reserved.


In this issue:

Mula sa Patnugot:
Sa wakas, ang Tinig.com!

Pogi ako! ni Noli Pasco

Tinig ng Generation txt
ni Ederic Peñaflor Eder

A tidal wave of loving memories by Tina Briones

There in EDSA by Noel Pascual

Desperately seeking Imee Martinez by Tembarom

Ang paglalakbay ni killerpogi

My name won me friends

Word war ni Ms. Angel

Maikling Kwento:

Kurakot Boy ni Boyet Caparas