Tinig
ng Generation Txt
by Ederic
Peñaflor Eder (Unang nalathala sa Pinoy
Times)
Kami ang Generation
Txt. Malaya, masayahin, malikot, makulit, masipag, malakas, makabayan,
matapang, may direksiyon, at may paninindigan.
Itinatatwa namin
ang kanluraning konseptong Generation X na pilit na ikinakabit sa amin
ng pandaigdigang kulturang komersiyal. Ang GenXers ay sinasabing
lito, malabo, walang direksiyon, palaasa ngunit mapaghimagsik.
Subalit rebelde
rin naman kaming mga kasapi ng bagong salinlahi. Mainit ang aming
pagtanggap at niyakap namin nang buong kasiglahan ang rebolusyon
ng mga bagong teknolohiya. Di nga ba't sinasabing naghahari ang
Pilipino sa CyberSpace at ang Pilipinas ay napapaulat na text-messaging
capital ng buong daigdig?
Gamit ang mga
bagong teknolohiyang ito, kami man ay nanguna sa isang pag-aalsa
na nauwi sa pagpapatalsik ng isang umano'y sagad-sagarang gahaman
at walang kakayahang pinuno ng bansa.
Mabilis ang
aming naging tugon sa kataksilan ng labing-isang tuta ni Jose Velarde
(na kilala rin bilang Asyong Salonga at Joseph Estrada at mas popular
bilang Erap). Ang impormasyon at panawagang nakarating sa amin sa
pamamagitan ng text at ng e-mail ay tuluyang nag-ugnay sa kalat-kalat
na mga organisado at di organisadong protesta. Mula sa aming mga
tahanan, paaralan, dormitoryo, pagawaan, simbahan, bumuhos kami
sa mga lansangan upang doon ituloy ang paglilitis--ang impeachment
trial na nawalan na ng kabuluhan.
Ang lakas ng
aming mga celfon at computer ay isa sa mga nagsilbing mitsa upang
pumutok ang ikalawang pag-aalsa o People Power revolution II na
naganap hindi lamang sa EDSA kundi maging sa Mendiola at iba pang
pook mula sa hilaga hanggang katimugan ng Pilipinas. (Oo nga pala,
hindi EDSA Dos ang katatapos lamang na pag-aalsa--ito ay mas nararapat
tawaging People Power II.)
Inilarawan ng
People Power II ang ilan sa mga katangian ng aming salinlahi: Masaya,
makulit, at malikot. Kami'y nagsipagsayawan at nagkantahan. Hindi
namin kailanman isusuko ang aming kalayaan sa isang sugarol, babaero,
at lasenggong pinuno. Hindi ininda ng karamihan sa amin ang limang
oras na martsa patungong Malacañang upang sugurin si Joseph Estrada;
Masipag, pagkat aming nilinis ang mga basurang iniwan ng pag-aalsa.
May direksyon,
dahil ang hangarin namin ay isang tapat na pamahalaan, at isang
hakbang patungo riyan ang pagkawala ni Erap. Makabayan, matapang,
at may paninindigan dahil ang aming pakikiisa ay hindi lamang dahil
sa kasiyahang makagimik kasama ang barkada, kundi upang makaambag
sa isang tunay na malaya at malinis na lipunan na hatid ng aming
pagmamahal sa bansang Pilipinas.
Ayon kay Ninoy
Aquino, "The Filipino is worth dying for." Tunay nga, pagka't noong
umaga ng pinagpalang araw ng Enero 20, marami sa amin ang nagdesisyong
tumungo sa Mendiola at sagupain ang nagbabantang sakuna. 'Di pansin
ang banta ng kamatayan, buong tapang na sumulong ang marami sa amin
upang maipaglaban ang aming paninindigan.
Samantala, noon
pa man ay may ilan na sa aming henerasyon na pumiling gumawa ng
mas higit pa at sundin ang halimbawa ni Gat Andres Bonifacio. Ang
ilan sa aming henerasyon--matagal nang panahon bago pa man ang ikalawang
pag-aalsa--ay pumiling makibaka sa kabundukan at humawak ng armas
upang tahakin ang marahas na landas tungo sa tunay na pagbabago.
Ang karamihan
sa amin, bago at matapos ang pag-aalsa, ay matatagpuan sa aming
mga paaralan, tanggapan, o pagawaan--patuloy sa pang-araw-araw na
takbo ng buhay, nangangarap, nagsusumikap, para sa kinabukasan.
Nagte-text, nag-i-Internet, naglilibang sa kasalukuyan.
Subalit sa tawag
ng panahon, handa kaming tumugon. Muli at muli naming gagamitin
ang aming lakas at kabataan, pati na rin ang aming mga gadyet upang
masiguro ang kalayaan ng Inang Bayan at handa kaming bantayan ang
patuloy nating paghahanap ng katarungan. Nasa panig namin ang kasaysayan,
pagka't ayon kay Jose Rizal, kami, ang kabataan, ang "pag-asa ng
bayan."
Matapos ang
ikalawang pag-aalsa, nangangako kaming militanteng babantayan ang
administrayon ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo habang buong
kasiyahang itutulak sa pintuan ng kulungan si Asiong Salonga.
Kami ang Generation
Txt.