Mong Palatino: Mula Chairman Patungong Congressman?

Taong 2000, UP Diliman. Kampanya para student council. Kakaiba ang sigla ng mga aktibista. Usap-usapan maging ng mga propesor ang suporta sa kandidatong ikinakampanya ng mga estudyante at tinatawag nilang “Chairman Mong” — si Raymond Palatino.


Kampanya ng Kabataan. Unang nominado ng Kabataan Party-List para sa Kongreso si Mong Palatino, na isa sa mga kolumnista ng Tinig.com. (Sheenah Tan)

Taong 2000, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kampanya para sa eleksiyong pangkonseho ng mga mag-aaral. Kakaiba ang sigla ng mga aktibista. Usap-usapan maging ng mga propesor ang suporta sa kumakandidatong tagapangulo.

Ikinakampanya ng mga estudyante sa mga silid-aralan ang gusto nilang ipanalo, tinawag nilang “Chairman Mong” — si Raymond Palatino.

At tulad nga ni Chairman Mao, hinahangaan si Mong ng marami. Madali niyang makabig at mahikayat ang mga kabataan at estudyante sa mga isyu at pakikibaka ng sektor. Hindi kataka-takang siya ang napiling unang nominado ng Kabataan Party-list sa halalan ngayong Mayo.

Pinanday ng pakikibaka
Si Mong, 27, ay lumaking relihiyoso. Pitong taon siyang naging sakristan na araw-araw nagsisimba. Ngayon, dala-dala pa rin niya, aniya, bilang aktibista “ang Kristiyanong aral na sikaping maging mabuti sa kapwa.”

Hayskul siya nang magsimulang mamulat. Noong 1995, lumahok siya sa piket sa Embahada ng Pransiya para tutulan ang pagsasanay ng armas-nukleyar ng gobyernong Pranses. Noon pa’y mapanuri na siya: BA Secondary Education ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo dahil pagiging guro “ang pinakamarangal na propesyon,” aniya.

Noong 1997, sa harap ng malawak na pagtutol sa charter change ng rehimeng Ramos, sumali siya sa Center for Nationalist Studies, organisasyong aktibista sa UP Diliman. Akala niya, Foundation for Nationalist Studies iyon, organisasyong itinatag ni Renato Constantino, ang makabayang istoryador na noo’y paboritong awtor niya.

Hindi nagsisi si Mong. Dumalo siya sa mga pag-aaral at paglubog sa batayang masa. Sa proseso, natuklasan ang potensiyal niya sa pamumuno. Naging tagapangulo siya ng konseho sa kolehiyo niya bago naging tagapangulo ng sentrong konseho ng UP Diliman. Bilang tagapangulo ng konseho noong 2000-2001, pinangunahan niya ang libu-libong iskolar ng bayan para patalsikin si dating pangulong Joseph Estrada.

Tulad ni Edgar Jopson na sinasabing kamukha niya, naging presidente siya ng National Union of Students of the Philippines o NUSP, alyansa ng mga konseho ng mag-aaral.

Nagsunud-sunod na ang mga labang nilahukan niya. Pagbasura sa Reserve Officers Training Corps at Expanded Value Added Tax. Pagtutol sa giyera ng US sa Iraq at sa Balikatan Exercises. Pagpigil sa pagtaas ng matrikula at presyo ng langis. Paglaban sa pandarambong nina Estrada at Pangulong Arroyo.

Magagandang katangian
Bilang lider-kabataan, hindi kilala si Mong sa maaalab na talumpati sa ibabaw ng trak kapag may kilos-protesta. Tila mas angkop sa malumanay niyang tinig, pang-totoy na mukha, at mahinahong pananalita ang mga pag-aaral — sa mga porum man o maliit na grupo. Ang totoo, sa mga talakayang ito lumulutang ang galing niya bilang lider at guro.

Paborito niyang gawain ang “isiwalat ang maling mga patakaran” maging sa pagsusulat. Isa siya sa unang nakasapul sa bisa ng blog sa pag-abot sa mas maraming tao. Kilala siya sa sirkulo ng mga blogger, at minsan nang dumalo sa pandaigdigang pagtitipon ng mga blogger sa India. Lagusan din ito, aniya, ng napupulot niya sa hilig sa pagbabasa. Paborito niya ang blog nina Prop. Luis Teodoro at Prop. Roland Tolentino ng UP, at Gerry Albert Corpuz ng Pamalakaya, grupo ng mga mangingisda.

Matatag sa prinsipyo si Mong. “Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka” ang prinsipyo niya sa buhay, maging sa pagpapalaki sa dalawang taong gulang na anak na si Renee Elle. Mapagmahal siya sa anak at “takot” sa asawang si Frances. May isa pang katangian si Mong na alam ng marami: palabiro at palatawa.

Higit pa sa pagiging opisyal sa Batasang Pambansa, pangarap niyang maging guro sa pampublikong paaralan, kasabay ng pag-oorganisa. Ang paborito niyang islogan: “Sagot sa kahirapan, rebolusyon!”

Tunay na kinatawan ng kabataan
Nanalo si Mong at mga kapartido sa kampus noong 2000. Binasag ng panalong iyon ang halos isang dekadang pagkatalo sa halalang pangkonseho ng makabayang alyansa ng mga organisasyon sa UP Diliman. Si Mong din kaya ang unang kongresistang maipapanalo ng party-list na nagsusulong sa interes ng kabataan? Siya rin kaya ang babasag sa mahabang panahong walang sariling tunay na kinatawan ang kabataan sa Kongreso?

Iisa ang sagot ng mga nakakakilala kay Mong: Sana. O mas marubdob: Dapat. –Pinoy Weekly

5 thoughts on “Mong Palatino: Mula Chairman Patungong Congressman?”

  1. wowwww!!!!! ngayon ko pa lang nalaman na congressman na pala si mong. but any way. the most important is that, we have represintaive in congress that is represinting the youth!!!! Go KABATAAN!… we are the hope of our father land!! Go for a change!! email niyo naman ako!!! @ chacha_artist20@yahoo.com or charlie_campos21@yahoo.com or just txt me at 09298831109

  2. ayos tong si pareng charlie, talagang riprisintative talaga.. good luck nalang kami sayo charlie hahaha!!!

  3. Swollen in head, weak in legs, sharp in tongue but empty in belly.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *