Lumaban siya
sa diktaturyang Marcos. Naging bahagi siya ng Communist Party of
the Philippines. Noong 1982, sa murang edad na 34, siya ay pinaslang
ng mga pasistang galamay ng rehimen.
Siya si Edgar
Jopson.
Hindi puwedeng
pag-usapan ang dekada sitenta nang hindi mababanggit ang pangalang
Edjop. Siya ang kumakatawan sa naratibo ng isang henerasyong magiting
na hinarap ang hamon ng kasaysayan. Siya ang pinakabantog na martir
ng mga kabataang lumaban sa diktadura.
Ngayong buwan ay ating ginugunita ang ika-dalawampung taon ng pagkamatay
ni Edjop. Sa isang panahon ng ligalig at kasamaan, si Edjop ay tumindig
bilang isang matapang at mabuting mandirigma. Ang mga kagaya niya
ang dapat pamarisan ng lahat. Huwaran at inspirasyon ang kanyang
buhay sa lahat ng kabataang Pilipino.
Kung tutuusin,
may naghihintay na payapa at mayamang kinabukasan ang mga tulad
ni Edjop sa kalakarang umiiral. Kung nagpasya lamang si Edjop noon
na manahimik sa nakikitang mali sa lipunan, marahil ay isa na siyang
senador o mayamang negosyante ngayon. Subalit pinili niya ang isang
masalimuot na landas sa paniniwalang ito ang tama para sa nakakarami.
Una siyang nakilala
noong First Quarter Storm ng 1970. Pinangunahan niya ang mga rally
ng mga estudyante laban sa corruption at pagmamalabis ni Marcos.
Sa isang dayalogo sa Malakanyang, minaliit siya ng dating Pangulo
at sinabihang "you're only a grocer's son" nang hinamon
niya ito na pumirma sa isang manipesto na hindi siya tatakbo ulit
sa pagkapangulo.
Kaaway ni Edjop
ang mga radikal na kabataan noon tulad ng Kabataang Makabayan. Tinuligsa
si Edjop sa paggigiit ng mga simpleng reporma sa pamahalaan imbes
na manawagan ng mga pundamental na pagbabago sa lipunan. Sa isang
rally sa harap ng Kongreso, habang nagsasalita si Edjop sa entablado
ay inagaw ng isang miyembro ng KM ang mikropono at sinabihan si
Edjop na "kleriko-pasista, isa kang kontra-rebolusyonaryo."
Ang hidwaan
sa pagitan ni Edjop at ng mga radikal ay hindi naman nagtagal o
nagdulot ng matinding sigalot. Nang tinanggap ni Edjop ang gantimpalang
TOYM, inalay niya ito sa mga miyembro ng kilusang kabataang-estudyante.
Noong ikalawang
hati ng taong 1970 ay nasaksihan ni Edjop at ng kanyang grupo sa
pamamagitan ng isang fact-finding mission ang pang-aapi sa mga maliliit
na magsasaka nang sinunog ng isang natalong despotikong panginoong
maylupa sa halalan ang isang buong barangay sa Ilocos Sur.*
Nang maging
bahagi si Edjop ng Concon noong 1971, nakita niya ang maruming pulitika
dahil walang pagtatago ang panghihimasok ni Marcos sa ginagawang
bagong Konstitusyon. Sa panahong ito ay nawawalan na ng pag-asa
si Edjop sa sistemang umiiral. Kaalinsabay nito ay nagkaroon siya
ng pagkakataon at ilang mga kasamahan sa NUSP na tumungo sa Tsina
upang masaksihan ang mga nagaganap na pagbabago dito na yumayanig
sa buong mundo sa panahong iyon.
Matapos ang
kanyang pag-aaral, inaasahang siya ang hahawak ng negosyo ng kanyang
pamilya subalit sinabi niyang tatatanggapin niya lamang ito kung
ang tubo ng kanilang negosyo ay kahati ang mga manggagawa. Sumali
si Edjop sa isang labor federation at naging aktibo siya sa usapin
ng paggawa.
Para kay Edjop,
ang kanyang lubusang pagkamulat sa suliranin ng lipunan ay naganap
sa mga picketline at welga ng manggagawa. Sa kanyang dedikasyon
na alamin ang problema ng mga maliliit na manggagawa ay nakita niya
ang pangangailangan ng tuluy-tuloy na pagtibag sa sistemang mapang-api.
Noong 1973,
si Edjop ay naging kasapi ng CPP. Noong 1980 ay naging miyembro
siya ng Central Committee ng Partido. Si Edjop ang nagbalangkas
ng isang masinsin na plano kung paano isusulong ang rebolusyon sa
rehiyon ng Mindanao.
Noong Setyembre
20, 1982, pinaslang si Edjop sa Davao City. Ayon sa mga saksi, puwede
pang mabuhay si Edjop kung dinala siya sa ospital ng militar.
Marami ang nagulat
at nanghinayang sa pagkamatay ng isang matalino at makabayang Pilipino
tulad ni Edjop. Marami ang humanga sa paninindigan ni Edjop na iwan
ang isang payapang buhay upang ipaglaban ang kanyang prinsipyo.
Kahit hindi
siya rito nagtapos, sa UP siya ibinurol. Ang pamantasan ay nagluksa
sa maagang pagkawala ng isang buhay na dakila. Bago pa man namatay
si Ninoy noong 1983, ang buong bansa ay nagluluksa na sa pagkamatay
ni Edjop. Sa UP, Ateneo, sa mga welga't picketline, sa kalunsuran
at kanayunan, naghalo ang tinig ng pangungulila't galit sa pagkawala
ng isang rebolusyonaryong Pilipino tulad ni Edjop.
Dalawampung
taon ang makalipas, nagpapatuloy ang mga sinimulan at adhikain ni
Edgar Jopson. Marahil ay sasama ang loob ni Edjop kung makikita
niyang tumindi ang mga suliranin ng bansa na walang pinagkaiba sa
kanyang panahon. Pero tiyak na ikakatuwa niya na hanggang sa kasalukuyan
ay bukambibig pa rin siya ng kilusang kabataang estudyante na patuloy
ang pag-ani ng mga malalaking tagumpay. Ipagmamalaki niya ang pagsulong
ng militanteng tradisyon ng kilusang paggawa. At higit sa lahat,
ikagagalak niya ang paglakas ng pakikibaka ng mamamayan na isang
maningning na bituin ng pag-asa para sa lahat ng nagnanais ng pagbabago.
* Mukhang noon pa man ay ugali na ni Chavit Singson ang magsumbong
dahil tulad ng paglalantad niya sa mga kasalanan ni Erap, si Singson
din ang nagbalita sa publiko tungkol sa krimeng naganap sa kanyang
bayan. Ang natalong pulitiko ay si Bingbong Crisologo, isa ngayong
Konsehal sa Quezon City.