| Bagong Pangalan
Pero Bulok Pa Rin
| Daluyong |
 |
| Mong
Palatino |
NGAYONG PASUKAN
ay nakatakdang ipatupad
na sa mga eskuwelahan
ang National Service Training Program (NSTP). Mukhang wala nang
atrasan para sa ipinagmamalaking programa ng pamahalaan at militar
na gagawing opsyonal daw ang pagkuha ng kinamumuhiang ROTC sa kolehiyo.
Kung tutuusin,
dapat ipagbunyi ito ng mga kabataan. Hindi ba't ilang taon na nating
gustong lumaya sa gapos ng mga militarista sa kampus?
Mula sa simula
ay napakalinaw ng ating posisyon: kung hindi aalisin ang ROTC ay
huwag itong gawing rekisito sa pagtatapos sa kolehiyo. Panahon na
upang lisanin ng militar ang ating mga pamantasan.
Subalit Oktubre
pa lamang, habang niluluto sa Kongreso ang panukala ng militar na
ipalit ang NSTP sa ROTC para palamigin ang mainit na kampanyang
anti-ROTC ng mga estudyante ay batid na nating gagawa ng paraan
ang pamahalaan upang maisalba ang isinusuka nating ROTC.
At ganoon nga
ang nangyari.
Malayung-malayo
ang NSTP sa ating ipinaglalaban. Malawak pa rin ang saklaw ng militar
sa bagong programa, kahit sa Civil Welfare Training Service (CWTS)
at Literacy Training Service (LTS).
Bokabularyo
ng militar ang ginagamit sa pagbubuo ng pamantayan at Implementing
Rules and Regulations (IRR) ng NSTP. Pansinin halimbawa ang ilan
sa dapat ihanda ng mga eskuwelahan sa pagpapatupad ng bagong programa:
account logistics, branch of service at geographical locations.
Kasama ang Department
of National Defense (DND) sa paggawa ng disenyo at pangangasiwa
ng lahat ng programa ng NSTP. Kahit sa paggawad ng rekognisyon sa
mga nongovernment organization na gagawa ng modyul at mangunguna
sa CWTS at LTS ay kabilang sa mga pribilehiyo ng DND.
Bakit ang mga
graduate ng CWTS at LTS na magiging bahagi ng National Service Reserve
Corps ay nasa ilalim pa rin ng pangangasiwa ng DND samantalang ang
mga ito ay non-military component ng NSTP?
Ipinapakita
nito na ang buong pakete ng NSTP, kasama ang CWTS at LTS ay nasa
balangkas pa rin ng isang pagsasanay militar. Hindi ito nakapagtataka
dahil ang guiding principle ng batas ay nakaangkla sa pangangailangan
diumano sa "responsibility of all citizens to defend the security
of the State," kaya't ang pamahalaan daw ay maaaring mag-atas
sa bawat Pilipino na magbigay ng pangmilitar at sibikong serbisyo.
Samakatuwid,
nilalansi tayo ng pamahalaan sa tuwing ipinangangalandakan nito
na opsyonal na lamang ang pagsasanay militar na tinututulan natin.
Maraming mga probisyon sa batas na sumasalungat sa layon na gawing
opsyonal ang pagkuha ng ROTC at marami din ang mga malalabong probisyon
na maaaring langkapan ng ibang interpretasyon upang patatagin ang
ROTC sa mga eskuwelahan.
Dahil ang gastos
sa pagpapatupad ng CWTS at LTS ay aakuin ng mga eskuwelahan, hindi
malayong isantabi na lang muna nila ito at ang hayaang manatili
ang kasalukuyang programa ng ROTC dahil bukod sa wala silang responsibilidad
na pangasiwaan ito ay hindi pa sila gagastos. Para sa mga State
Universities and Colleges (SUCs) na nahihirapang umangkop sa kapos
nilang badyet, praktikal para sa kanila ang pagpapatupad ng ROTC
lamang. Kalkulado ang hindi paglalagay ng probisyon sa batas ukol
sa paglalaan ng pondo para sa ibang programa ng NSTP upang sa kahuli-hulihan
ay babagsak din sa ROTC ang mga estudyante.
Obligado naman
ang mga SUCs na ibigay ang kursong ROTC bukod sa CWTS at LTS. Pero
tahimik ang batas kung ilan ba dapat ang minimum na bilang ng mga
estudyante sa iba't-ibang programa ng NSTP. Maaaring maliit na bahagdan
lamang ng mga estudyante ang pakuhanin ng CWTS at LTS at ang natitirang
kalakhan ay sa ROTC mapunta.
Kahit ang isang
eskuwelahan na may hangaring ibigay ang CWTS at LTS pero nakatali
ang mga kamay dahil hindi pa rin nabubuo ang IRR, minimum standards,
modyul at programa para dito, ay walang magagawa kundi bumalik ulit
sa ROTC. Kapos na ang panahon sa paghahanda upang sa ngayong pasukan
ay maipatupad na nang maayos ang CWTS at LTS.
Isa pang dahilan
kung bakit mabilis na lumawak ang oposisyon sa ROTC noon ay ang
dagdag-bayaring ipinapataw sa mga estudyante. Walang pagbabagong
ginawa sa NSTP kung pag-uusapan ang gagastusin ng mga estudyante.
Aabot ng 50% ng basic charge ng eskuwelahan per academic unit ang
sisingiling tuition sa mga estudyante. Hindi pa kasama dito ang
mga modyul, uniporme, at iba pang kagamitan na maaaring ibenta ng
eskuwelahan. Ayon sa batas, kailangan din ang health and accident
group insurance at maaaring maningil ng bayarin hinggil dito. Asahan
nating gagamitin itong pagkakataon ng mga ganid na kapitalista-edukador
upang mag-imbento ng mga ipapataw na bayarin sa mga estudyante.
Malaki ang kikitain
ng mga eskuwelahan dahil pati kababaihan ay sakop ng NSTP. Balak
yata ng pamahalaan na gawing isang malaking garison ang mga eskuwelahan.
Sa susunod tatawagin na nating Camp U-Belt, Camp Intramuros, Camp
Taft Avenue at Camp Loyola Belt ang mga sentrong eskuwelahan sa
Maynila dahil imbes na humina ay lalo pang lumakas ang presensya
at kontrol ng militar sa mga sekular na eskuwelahan ng bansa.
Malaking kasinungalingan ang sinasabi ng pamahalaan na bubuhayin
ng NSTP ang diwa ng boluntarismo sa mga kabataan. Kaninong konsepto
kaya ng boluntarismo ang pagbibigay ng pinansyal na insentibo (basahin:
suhol) sa mga estudyanteng kukuha ng ROTC? Anong diwa ng boluntarismo
ang bubuhayin kung ito ay hindi bukal sa kalooban ng mga estudyante
dahil rekisito lamang ito sa pagtatapos? Binabaluktot ng NSTP ang
esensya ng paglilingkod sa kapwa.
Kung nakinig
lamang ang pamahalaan, militar at ang Kongreso sa mga estudyante
noong isang taon ay malalaman nilang mayaman ang karanasan ng maraming
eskuwelahan sa pagpapatupad ng mga programang tunay na nag-aanak
sa diwa ng boluntarismo. Mga programang nilalahukan ng maraming
estudyante dahil nais nilang maglingkod sa kapwa at komunidad at
hindi dahil rekisito ito sa pagtatapos.
Dapat pinag-aralan
muna ang karanasan ng Ugnayan ng Pahinungod ng UP, Office of Social
Involvement ng Miriam, Office for Social and Community Institute
ng Ateneo at iba pang social desk ng mga Katolikong pamantasan kung
anu-ano ang kalakasan ng mga programang ito sa paglinang ng diwang
makabayan ng mga estudyante. Ang paglilingkod sa kapwa ay nagagawa
kahit hindi gamitin ang pamantayan ng militar. Maaari namang lumahok
ang mga estudyante sa mga human rights education advocacy, community
immersion, ecological service, medical training at iba pang serbisyo
na kapaki-pakinabang sa komunidad. Ito ay mga alternatibo sa ROTC
na tanggap ng mga estudyante.
Kung ang mga
estudyante ng UP Diliman, Manila at Los Banos ay kasama sa mga aktibong
lumaban sa pananatili ng ROTC kahit 1997 pa lang ay ipinapatupad
na ang expanded ROTC program (civic welfare service at law enforcement
service) sa kanilang eskuwelahan na pinag-ugatan ng NSTP, nangangahulugan
ito na isang kabiguan at kalokohan ang alternatibong gustong ipakain
sa atin ng militar.
Iniinsulto ng
NSTP ang matapang na paghamon ng mga estudyante sa bulok na sistema
ng ROTC. Sa pagtitilad-tilad natin ng isyu ay masasabi natin nang
may buong giting na hindi tatapusin ng NSTP ang karahasan, corruption,
paglabag sa karapatang pantao at machismo na sinusuhuyan ng militar
sa ating mga pamantasan. May susunod pang mga Seth Lopez, Mark Chua
at Samuel Rodico dahil hindi pa rin nababago ang kalakarang bumihag
at pumatay sa kanila.
Bagong pangalan
ng ROTC ang NSTP. Ngunit kahit anong gawing pagbabalatkayo, hindi
nito matatago ang masangsang na amoy ng isang bulok na institusyon.
---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines
at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|