Kung mayroon mang hihigit pa sa kainutilan ng COMELEC, ito ay ang Commission on Higher Education o CHED.
Ngayong papalapit na ang pasukan ay ilang daang eskuwelahan na naman, pribado at maging publiko, ang nakatakdang magtaas ng mga bayaring sinisingil sa mga estudyante. May 265 na eskuwelahan ang dumulog sa CHED at nagsabing magtataas sila ng matrikula mula sa pinakamababang 5% hanggang sa pinakamataas na 221%. Di-kukulangin sa 106 sa mga eskuwelahang ito ay galing sa Metro Manila.
Ilang beses nang ibinalita ng mga estudyante ng Trinity College at Adamson University sa CHED ang deadlock sa konsultasyon na ipinatawag ng kanilang administrasyon noong Pebrero. Ibig sabihin, hindi dapat magtaas ng matrikula ang mga eskuwelahang ito dahil hindi pumayag ang mga estudyante, guro at mga magulang. Subalit tila walang narinig at nakita ang CHED at hindi nila ito agad inaksyunan. Sa darating na enrolment, tuloy na tuloy ang tinutulang pagtaas ng matrikula sa Trinity at Adamson.
Ang mas nakakagalit pa rito ay hindi lamang pala sa Trinity at Adamson nagkaroon ng deadlock sa konsultasyon. Ayon sa nakalap na datos ng National Union of Students of the Philippines, tuloy ang pagtaas ng matrikula sa lahat ng paaralang nagkaroon ng deadlock sa konsultasyon sa buong bansa. Paano kaya napapalampas ng CHED ang ganitong malinaw na paglabag sa batas at pang-iinsulto sa alituntuning hinggil sa pagtataas ng matrikula na sila mismo ang gumawa?
Dapat sana ay nagpatawag ng imbestigasyon ang CHED upang malaman kung ano ang nangyari sa mga konsultasyon sa pagtataas ng matrikula sa mga paaralan sa buong bansa. Dapat sana ay pinakinggan ang reklamo ng mga mag-aaral at ipinahinto ang anumang balak na magtaas ng bayarin ng mga eskuwelahan sa darating na pasukan. Dapat sana ay pinarusahan ng CHED ang mga nagpapatakbo ng mga eskuwelahan nagtaas ng matrikula kahit walang konsultasyong naganap o di naging matagumpay ang konsultasyon.
Kung galit ang NAMFREL at ang civil society sa COMELEC dahil sa palpak na eleksiyon, ang mga kabataang estudyante ay matagal nang gustong ipabuwag ang CHED dahil sa pagiging inutil nito sa kanilang mga kahilingan. Hindi kami kinampihan ng CHED kahit minsan sa aming mga laban. Tagapagsalita lang yata ang CHED ng mga administrasyon ng mga pribadong paaralan. Kung hindi, e bakit sila pa ang nangungunang magtanggol sa pagtaas ng mga bayarin?
Kung hindi kayang ipatupad ng CHED ang batas na sila mismo ang gumawa, paano kaya nila maipagtatanggol ang mga saligang karapatan ng mga estudyante?
Isang layuning ng mga kabataan para sa bagong administrasyon ang pagtigil sa mga pagtaas ng bayarin sa mga eskuwelahan. Mahalaga ang maagap at maayos na pagtugon dito ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo-ang usaping ito ay isa sa mga dahilan kung bakit nawalan ng suporta si Estrada sa hanay ng mga kabataan.
Hindi kami mangingiming lumabas muli sa aming mga paaralan kung nakikita naming kasing-inutil ng CHED at ni Estrada ang bagong administrasyon. Hindi naman mahirap intindihin ang kahilingan ng mga kabataan. Kung tama lang sana ang prayoridad ng pamahalaan sa edukasyon, masaya ang lahat, lalo na kaming mga estudyante.