v27-28
Pebrero 15-Marso 15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Gen-Peace

Daluyong
Mong Palatino

SA PANGUNGUNA nina Ethan Hawke at Winona Ryder (Reality Bites), magkakaroon ng reunion ang mga nagpasikat sa Gen-X upang pagmuni-munihan ang nakaraang sampung taon. Dito naman sa Pilipinas ay patuloy ang paghahanap ng kategoryang kakatawanin ang kabataang Pilipino sa kabuuan. May Generation X,Y, Z at ngayon ay may Gentext (are you one of us?).

Bagama't nagkakaiba sa estilo, pare-pareho ang inilalako nilang konsepto kung sino at ano ang kabataang Pilipino sa (post)modernong panahon: mall creature, party-hopper, makukulay ang mga suot na designer clothes at jeans, at siyempre bumibili ng bagong modelo ng cellphone.

Kung manonood ka ng TV at papasok sa department store, iisipin mong tumpak ang kanilang kategorya. Mapapaniwala ka na si Britney Spears ang modelong kababaihan ng mga Pilipino imbes na si Gabriela Silang at prepaid credit ang nangungunang problema ng mga kabataan.

Ginagatungan pa ito ng akusasyon tungkol sa diumanong kawalan daw ng kamalayang pangkasaysayan (historical amnesia) ng bagong henerasyon ng mga Pilipino. Paboritong halimbawa ang paggawa ng pelikulang Dekada '70. Nahihirapan si Direk Chito Rono na kumuha ng tamang emosyon mula sa mga nagluluksa sa pagkamatay ng isang aktibista. Dahil tila nakalimutan na ang kolektibong pagdurusa ng sambayanan noon, pinayuhan ni Direk Chito ang mga tao na ang isiping namatay ay si Rico Yan. Biglang lumabas ang luha ng mga extra sa pelikula.

Tatanggapin ko na sana ang taguring Gentxt, Gen-X at iba pang pagkutya sa kabataan kung hindi naganap ang dalawang malalaking pag-aalsa sa bansa: ang EDSA Dos at ang katatapos lamang na February 28 Peace Rally.

Pinatahimik ng EDSA Dos ang mga nagsasabing walang pakialam ang mga kabataan sa mga nangyayari sa lipunan at gobyerno. Pinatunayan nating hindi lamang mga gimik at hedonistang aliw ang pinagkakaabalahan natin kundi pati mga usaping pulitikal na may tuwirang kaugnayan sa ating kinabukasan.

Noong nakaraang Pebrero 28 naman ay muling dumagsa ang mga mga kabataan sa Quirino Grandstand bilang pagtutol sa nakaambang gera ng US laban sa Iraq. Nagmistulang reunion ng EDSA Dos ang okasyong ito sa pagdalo ng iba't ibang eskuwelahan. Umalingawangaw mula Katipunan, Mendiola, Taft, sa Maynila at sa buong bansa ang nagkakaisang tinig ng kabataan para sa tunay na kapayapaan.

Hindi itinuloy ng UP Manila ang kanilang student council election para makadalo ang mga mag-aaral sa rali. Kapit-bisig ang administrasyon ng mga pamantasan at mga estudyante sa pagmartsa papuntang Luneta. Bihira lang natin ito makita lalo na't sa araw na yun ay final exams ng mga eskuwelahan at huling araw ng konsultasyon para sa pagtaas ng matrikula. Pasiklaban ang mga eskuwelahan sa pagdadala ng mga nagsisilakihang plakard, poster at banner. Napuno ang Luneta ng mga makukulay na bandila at malikhaing slogan laban sa gera.

Kung ako ang Pangulo, pakikinggan ko ang boses ng kabataan at mamamayan.

Ang pagtindig ng kabataan para sa kapayapaan ay sumusunod sa matagal ng pakikiisa ng kabataang Pilipino para sa kapayapaang nakabatay sa katarungan. Ang mga nauna sa atin ay tumindig laban sa Vietnam war at pananatili ng US Bases sa bansa. Ngayon naman ang henerasyon natin ay kumikilos laban sa napipintong gera sa Iraq.

Ang mahalaga'y pinili nating huwag lang manahimik kundi gumawa ng kongkretong hakbang upang pigilin ang gerang ito na walang batayan at ang suporta ng ating pamahalaan dito ay tunay na nakapagngangalit.

Sino ba talaga ang kabataang Pilipino? Oo, nagpupunta tayo ng mall, gumigimik at sumusunod sa uso. Subalit hindi lamang dito umiinog ang ating buong buhay. Ilang beses na nating ipinakita ang ating mabisang lakas para sa pagbabago na higit pa sa pagkakahon sa atin ng kulturang kanluran bilang Gen-X o Gentxt.

Tayo ang henerasyong bumuwag sa ROTC na ilang dekadang sinubukan ng mga nauna sa atin. Sa ating sama-samang pagti-text ay nakatulong para magdesisyon ang Korte Suprema at Sandiganbayan na pabor sa panig ng mamamayan hinggil sa kaso ng dating Pangulong Estrada. Minsan na nga nating pinutakte ng mga galit na text at napilitang magshut down ang text feedback program ng pamahalaan nang tumutol tayo sa buwis na ipapataw sa mga gumagamit ng prepaid. Kalimutan man natin itong lahat, at maliitan man ng iba, subalit hindi makukuha sa atin ang dakilang partisipasyon natin sa Edsa at Luneta—mga panandang-bato sa ating paggigiit ng isang mas maaliwalas na bukas.

Anumang kategorya ang ipataw sa atin ay hindi mapipigilan ang patuloy nating pagreimbento sa ating mga sarili bilang mabubuting anak ng bayan. Sa ngayon, hangga't hindi pa nakokompromiso ng komersyal na kultura ang kabuluhan nito, hayaan niyong imungkahi namin (mula sa NUSP- National Capital Region chapter) ang pagkilala sa atin bilang Gen-Peace, mga kabataan ng People Power 2 na naninindigan para sa kapayapaan.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan