|
Kuwentong
TFI*
ni Mong Palatino
ISANG
malaking negosyo ang edukasyon.
Mula
nang aprubahan ni dating Pangulong Marcos ang Education Act of
1982 ay dumami na parang kabute ang mga pribadong paaralan sa
ating bansa. Malaya na kasi ang mga eskuwelahan na magtakda ng
matrikula na sisingilin mula sa mga estudyante. Kung kayat mabilis
na nadomina ng pribadong sektor ang mga unibersidad at kolehiyo
sa Pilipinas. Maging ang mga malalaking negosyante tulad ni Lucio
Tan ay pinasok na ang larangang ito.
Kinilalang
mga “kapitalista-edukador” ang mga nagmamay-ari ng mga eskuwelahang
sobrang taas ang sinisingil na mga bayarin sa mga estudyante upang
kumamal ng napakalaking tubo. Pangunahing layunin nila ang lalong
kumita ng pera at nagiging pangalawa na lamang ang pagbibigay
ng mataas na kalidad ng edukasyon.
Napakadali
kasing sabihin na ang lahat ng sinisingil ng administrasyon ay
para sa pagpapabuti ng edukasyon ng mga estudyante. Pinaniwala
tayo at ang ating mga magulang na ang pagpintura sa mga lumang
gusali, pagbili ng mga air-con at computer, at pagpapaganda ng
basketball court ang dahilan ng mas mataas na singil, at ito ang
susi sa modernisasyon ng paaralan.
Kailangan
din daw itaas ang sahod ng mga guro at empleyado. Kalokohan. Hindi
sinusunod ng mga kapitalista-edukador ang sinasabi ng batas na
dapat ay 70% ng itinaas na matrikula ay mapunta sa sahod ng mga
guro. Kung sinusunod ito, ayon sa Alliance of Concerned Teachers
ay dapat daw mas mataas ang kanilang sahod kaysa sa ibang mga
empleyado ng bansa.
Kung bumabagsak
naman ang mga estudyante sa mga board exam, madaling sisihin ang
pagkakaroon ng mahinang utak. Ang mahalaga ay malaman ng publiko
na galing sa kanilang eskuwelahan ang mga topnotcher sa mga exam.
Sa ganitong paraan ay naipagtatanggol ang mataas na matrikula.
Kung gusto mong maging topnotcher, dito ka mag-aral. Kahit mahal
ang tuition, sulit naman. Ang galing, di ba?
Isang katangian
din ng mga kapitalista-edukador ang pag-ikot sa batas upang kumita
pa nang mas malaki. Dahil naglabas ng memorandum ang inutil na
CHED noong 1998 na dapat magkaroon ng konsultasyon sa mga estudyante,
guro at magulang ang mga paaralang nais magtaas ng matrikula,
napilitan ang mga kapitalista-edukador na konsultahin ang kanilang
komunidad sa tuwing nagbabalak silang magtaas ng matrikula. (Ngunit
maraming mga eskuwelahan na talagang makakapal ang mukha na hindi
man lang naglunsad kahit ng mga bogus na konsultasyon. Tutal,
tanga naman ang CHED at hindi nila ito malalaman kung hindi pa
ito madyaryo).
Ang ibang
eskuwelahan naman ay binago ang pakahulugan sa “konsultasyon”.
Ang mga pagpupulong na ipinapatawag nila ay hindi upang konsultahin
ang mga estudyante’t magulang hinggil sa pagtaas ng matrikula
kundi upang iparating lamang sa kanila ang planong pagtaas. Hindi
pakikinggan ang sentimyento ng mga estudyante o magulang na kontra
sa mataas na bayarin. Laging idadahilan ang kung anu-anong problema
sa mundo tulad ng pagbagsak ng piso, pagtaas ng presyo ng mga
bilihin at krisis sa ekonomiya. Babanggitin ang maraming probisyon
sa batas na para bang ang lahat ng argumento ay maikakahon sa
legal at teknikal na usapin. Ipapakain ang mga dinuktor na financial
statement na hindi naman daw kumikita ang paaralan o kaya sila
ay may foundation, non-stock, non-profit, etc. Pero magugulat
ka’t makikita mo ang eskuwelahan ng kapitalista-edukador na kabilang
sa Top 2000 corporation ng bansa sa laki ng tubo taun-taon.
Ang mahalaga
para sa kapitalista-edukador ay nagkaroon ng pagpupulong na kasama
ng administrasyon ang mga dapat konsultahin. Ang pinirmahang attendance
sheet ng mga guro, estudyante at magulang ay maaaring gamiting
ebidensiya na may naganap ngang kosultasyon. Kung ang deadline
naman ng CHED ng paglulunsad ng mga konsultasyon ay hanggang Feb
28 lamang, ang mga ganid na kapitalista-edukador ay magsasagawa
ng konsultasyon sa mismong araw na iyon. O kaya naman ay sa araw
na may mga final exam ang mga estudyante para kakaunti lamang
ang makapunta at makapagrehistro ng pagtutol.
Isang kalakaran
din sa mga eskuwelahan ang pagkakaroon ng patakaran na walang
pagtaas ng matrikula sa mga upper class men. Ang mga freshmen
lamang ang makakaranas ng pagtaas ng matrikula taun-taon. Matalino
ang hakbanging ito dahil hindi mo na nga nilalabag ang batas,
kumikita ka pa nang limpak-limpak. Paano mo nga naman kasi kokonsultahin
ang mga freshmen tungkol sa pagtaas ng matrikula kung hindi pa
naman sila nakakatuntong ng kolehiyo dahil hayskul pa lamang sila?
Kung ganoon, ang pagtaas ng matrikula sa papasok na freshmen na
walang konsultasyong naganap ay naaayon sa batas. Basta negosyo,
ang dami talagang palusot at pakulo.
O kaya naman
ay itataas nila nang sobra-sobra ang mungkahing pagtaas ng matrikula,
halimbawa 25% na pagtaas. Pagdating sa mga konsultasyon ay ipapakita
nilang may puso at damdamin sila sa paghihirap ng mga magulang
kung kaya’t ibababa nila ito sa 12% lamang. Pero ang totoo, ang
12% na pagtaas sa mga bayarin ay ang orihinal na balak talaga
ng administrasyon. Pakitang tao lamang ang pagbabago sa itataas
na matrikula. Malay mo, makatsamba pa ang mga suwapang at pumayag
ang mga estudyante sa 25% na mungkahing pagtaas o kaya naman ay
mas mataas pa sa 12% ang mapagkasunduang tuition increase?
Marami pang
modus operandi ang mga kapitalista-edukador pagdating sa paghuhuthot
ng salapi sa kawawang estudyanteng Pilipino. May mga eskuwelahang
naglalabas ng malalaking banner na nakasulat ang “No tuition fee
increase for this schoolyear!” Totoo naman ang nakasulat. Pero
ang problema ay mayroon palang pagtaas sa miscellaneous fee na
binayaran ng mga estudyante. Pwede ka kasing magtaas ng miscellaneous
fee kahit walang konsultasyon. Sa ibang eskuwelahan tulad ng Assumption,
mas mataas pa ang miscellaneous fee kaysa sa tuition na binabayaran.
Ang ibang eskuwelahan naman, bukod sa miscellaneous fee ay may
sinisingil pang “other fees.” Ano kaya ang pagkakaiba nito sa
miscellaneous fee?
May pagtaas
sa laboratory fee pero walang laboratory ang kurso. Ang hindi
ko maintindihan ay bakit may sinisingil pang energy fee sa ilan?
O cultural fund? May student fund na ngang hinihingi, mayroon
pang student council fund at marami pang iba.
Ngayon, masisisi
ba natin ang mga kapwa nating mag-aaral kung bakit mas pipiliin
pa nilang iboykot ang kanilang mga klase kaya sa manahimik na
lang at hayaan ang mga kapitalista-edukador na hamakin ang ating
katinuan at dignidad bilang isang tao?
Basta ako,
ang iisipin ko na lang ay ang tatay kong hirap na hirap sa pagtatrabaho
sa ibang bansa samantalang may ilan na pinagkakakitaan nang napakalaki
ang simpleng pangarap ng mga Pilipino na magkaroon ng disenteng
edukasyon. Sapat na iyun para sumama ako sa isang rali.
*tuition
fee increase
----------------------
Si Raymond
"Mong" Palatino ay executive vice president ng National
Union of Students of the Philippines. Para sa reaksiyon sa kanyang
kolum, i-e-mail lang si Mong sa mongnicolai[at]edsamail[dot]com[dot]ph.
|