Adhikain

I

Munti nating adhikai’y nagmula sa kapatagan,
pinapangarap na sana ito’y ating makamtan;
paa’y ihakbang patungo sa napipintong katayugan,
dito sa hugis tatsulok kung tawagin ay kabundukan.

II

Lahat ng nabubuhay na nilalang dito’y ating matatagpuan,
gaya ng haring ibong malayang nakakapaglayag sa kawalan;
punong matatayog at nagmamatyag sa kagubatan,
maririkit na bulaklak na nahihimbing sa gitna ng kasukalan.

III

Malamyos na hanging dumadampi sa ating balat,
hamog kung ito’y tawaging nagmumula sa munting alapaap;
haring araw ay sumibol tunay niyang init ay nag-aalab,
dama agad ang pagmamahal niyang kailanma’y di mo sadyang pinangarap.

IV

Tayong mga nilalang na nilikha Niyang ganap,
na tagapagsilbing gabay at nanatiling nangangarap;
mga gahama’t salaulang nilalang sana’y huwag nang lumaganap
dito sa kulturang nagtatagis ngayo’y sa atin nagaganap;
halina’t protektahan at paninindiga’y palawakin,
nang sa gayon, ating sariling adhikai’y mapanatiling matatag!