Dalawang malaking pagtitipong politikal ang ginanap noong Enero. Sa Luneta, inilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos ang kampanyang Bagong Pilipinas. Sa Davao City, nagsama-sama ang pamilya at mga kaibigan ni dating Pangulong Duterte para sa isang umano’y prayer rally para tutulan ang panukalang charter change.
Ayon kay Marcos, pagpapatibay raw ng pangako ng gobyerno para sa mas maayos na serbisyo ang kampanyang Bagong Pilipinas.
Layunin nito umano na “maglatag ng mga mithiin na dapat nating makamtan para sa kinabukasan ng ating bayan.”
Pumunta rin at nagpahayag ng suporta ng Department of Education sa kampanyang Bagong Pilipinas si Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Samantala, sa “prayer rally” sa Davao laban sa people’s initiative na dinaluhan din ni Sara, nagpasalamat naman siya sa mga nananatiling nasa likod niya at ng kaniyang pamilya.
Ang kaniyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabing nakita sa listahan ng PDEA ang pangalan ni Bongbong. Dagdag pa ni Rodrigo, ikinatatakot niyang mangyari din kay Bongbong ang kinasapitan ng aming si dating diktador Ferdinand Marcos. Habang binabatikos ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas sa talumpating punong-puno pa rin ng pagmumura, binanggit din ni Rodrigo ang posibilidad ng pagdedeklara ng kasarinlan ng Mindanao at paghiwalay sa Pilipinas.
May mensahe naman si Mayor Baste Duterte kay Bongbonog: “From now on, before you go to bed, think of the Romanovs, think of Benito Mussolini and his wife, and think of what happened to you in 1986s, and maybe you’ll reconsider the direction that you are taking.”
Bago ito, nanawagan si Baste kay Bongbong na mag-resign na lang kung wala naman siyang pagmamahal o mga mithiin para sa bansa.
Ang kapatid ni Bongbong na si Senador Imee Marcos, kasama naman ng mga Duterte sa “prayer rally.”
Habang si Bongbong ay nagpapabango sa publiko, ang mga Duterte naman, nagmamarakulyo.
Noong 2022, magkasamang tumakbo sina Bongbong at Sara. Ang tanging plataporma nila, unity o pagkakaisa.
Sa mga sinabi ng mag-amang Duterte laban kay Bongbong, maaninag ang tila lamat sa pagkakaisa ng dalawang makapangyarihang pamilya.