Bilang paghahanda sa isang story pitch tungkol sa anibersaryo ng First Quarter Storm (FQS) na ipapasa sa pinagtatrabahuhan kong himpilan ng telebisyon, noong Enero 2006 ay nagpadala ako ng email kay Prof. Monico M. Atienza, guro sa Unibersidad ng Pilipinas na kilalang aktibo sa kilusang kabataan noong kanyang kapanahunan.

Nasa email ko sa kanya ang mga tanong tungkol sa FQS kasama ang paghingi ng pahintulot na mailathala sa Tinig.com ang aming panayam. Pumayag naman siya at unti-unting sinagot ang mga tanong sa pagitan ng kanyang mga klase sa UP.

Ngunit kahit nakontak siya ng isang programa sa aming estasyon, lumipas na ang isa pang pag-aalala sa FQS ay hindi pa rin nailabas sa Tinig ang panayam.

Kasunod ng paglisan ni Prof. Atienza–na nangyari isang buwan bago ang muling paggunita sa FQS–minabuti namin sa Tinig.com na itampok ang ngayon ang wika nga niya’y kanyang “pag-alaala sa mga piraso at tagpuan sa kasaysayan ng Sigwa ng Unang Kwarto ng Dekada 70.”

Tinig.com: Ano po ang naging partisipasyon ninyo sa FQS? Anong organisasyon ang kinabilangan ninyo noon, at ano ang pinakanaaalala ninyong tagpo sa panahon ng sigwa?

Prof. Monico M. Atienza: Kabilang ako sa Kabataang Makabayan (KM) nang mangyari ang First Quarter Storm, ang tinawag nga naming First Quarter Storm of 1970 (FQS 1970); tatawagin din namin itong Sigwa ng Unang Kwarto ng Dekada 70. Sa seryeng ito ng mga rali at demonstrasyon, martsang bayan, tanghalang bayan, hukumang bayan sa mga lansangan at pangunahing mga plaza sa Maynila, at sa harap ng Malacanang sa Mendiola at US Embassy sa Roxas Boulevard–nang unang tatlong buwan ng 1970–isa ako sa mga aktibong kalahok, dahil sa nakalalaking bahagi ay ang KM ang nangungunang organisasyon dito, bagamat marami pang mga organisasyon ng kabataan at estudyante, manggagawa, maralita ng lungsod, guro, kababaihan at propesyonal, mga grupo at indibidwal ang nakilahok sa Sigwang ito. Pangkalahatang Kalihim ako ng Kabataang Makabayan nang maganap ang Sigwa ng Unang Kwarto ng Dekada 70.

Dahil ang Sigwa/FQS ay isang serye ng mga aktibidad/kalipunan ng mga kilos masa na pinangunahan ng mga kabataan at estudyante, na KM nga ang talibang organisasyon, likas lamang sa mga kalahok nito na maraming bagay at pangyayari ang maalala.

Sa aking panig, hindi ko makakalimutan ang malaking demonstrasyon sa harap ng dating Kongreso ng Pilipinas noong ika-26 ng Enero 1970, kung saan ang mga “radikal” na pinangungunahan ng KM at ang mga “moderato” na pinangungunahan ng NUSP [National Union of Students of the Philippines] na si Edgar Jopson (Edjop) ay nagsama ng mga puwersa upang tuligsain at tutulan ang Kumbensyong Konstitusyonal na minamanipula ni Marcos para sa pagpapanatili ng kanyang kapangyarihan bilang pangulo ng bansa.

Para sa KM at mga kapanalig nito, isang palabas lamang ang kumbensyong ito, farce nga, kabulastugan at dapat lamang ibasura; para naman sa NUSP, kina Edjop, ito ay maaari pa ring asahan, basta magiging “non-partisan” lamang ang pagpapatupad nito. Gayunman nagsama ang dalawang puwersa at sabayang kinumpronta si Marcos at si Imelda, dahil nuon ay nagbigay ng talumpating “state of the nation” ang una, nagtapon ang mga “radikal” at kapanalig nila ng kabaong kina Marcos at Imelda, simbolo nga wika nila ng pagkamatay ng demokrasya sa bansa. Sa ganitong pangyayari, tulirong sumunod ang mga Metrocom at pulis sa biglaang atas ng mga alipuris-militar ni Marcos, para salakayin ang mga demonstrador, ibig sabihin ang mga KM at NUSP, at sa pagtatapos ng pananalakay at pananalasa ng mga militar at pulis, napakaraming nasaktang demonstrador mula sa dalawang organisasyon at alyansa.

Hindi ko makakalimutan ang Enero 26, 1970, hindi man ako nasaktan sa panggugulong-estadong iyon. Dahil sa pamamasistang ito, aktibong nagpulong agad ang KM, ang NUSP, at iba pang mga organisasyon, samahan, grupo at indibidwal na sa pangkalahatan ay naiimpluwensyahan na ng pambansa-demokratikong oryentasyon–para magdaos ng malaking demonstrasyon sa harap ng Malacanang para kondenahin ang tumitinding pasismo at panunupil sa demokratikong karapatan ng sambayanan ng rehimeng US-Marcos.

Kaya nuong Enero 30, isang malaking kalipunan ng mga nagpoprotestang aktibista ang tumambad sa harap ng Malacanang, mga 30 hanggang 40 libong militante ang “sumugod” at “umusig” sa pasistang rehimen. Dahil sa laki at militansya ng mga demonstrador, nataranta ang administrasyong Marcos at ipinasalakay sa Metrocom at mga pulis ang mga demonstrador, namaril, nambatuta, nangulata at nanghampas ng mga demonstrador, na marami naman ay napilitang mambato at makipagtapatan nga pillbox at kung anu-ano pa, maliban na lamang sa baril dahil wala naman sila! Habul-sugod ang mga militar at pulis, atras-balik-bato ang mga aktibista hanggang sa madaling-araw ng 31 Enero, umabot sa lagpas sa Avenidad Rizal ang habulan-suguran, kaya kahabaan ng Azcarraga (ngayon ay CM Recto) ang naging larangan ng “labanan”, ng “battle scene” wika nga, ng Enero 30-31, ang itinuring naming pangunahin at mas matingkad na pagpitada ng Sigwa ng Unang Kwarto ng Dekada 70/First Quarter Storm Movement of 1970.

Sa alam ko lima ang namatay/napatay rito, kinabibilangan nina Alcantara, Tausa, Catabay, pawang mga kabataaang estudyante. Tulad ng Enero 26, hindi ko makakalimutan ang hapon, gabi, at madaling araw ng Enero 30-31, kung hindi rin ako nasaktan sa gabi at madaling araw na nabanggit.

Bakit po nangyari ang FQS? Ano ang pinag-ugatan nito?

Hindi ko alam kung ano ang tiyak na dahilan kung bakit nangyari ang FQS. Ang masasabi ko lamang, gaya ng madalas sabihin ng mga kahenerasyon ko sa KM at mga kaalyadong organisasyon sa kilusang pambansa-demokratiko, ang FQS ay isang kulminasyon sa pagsulong ng kilusang kabataan at estudyante sa partikular, at ng mas malawak na kilusang masang kinapalooban nito sa kabuuang pagkilos pambansa-demokratiko sa pangkalahatan–isang duluhan ng rebolusyong pangkulturang nakatuon sa mga pangunahing suliranin ng lipunang Pilipino noon (at ngayon) na tinukoy naming imperyalismong Amerikano (US), katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo, at ang tumitinding pasismong sa malaking bahagi ay nagsusuhay sa tatlong nabanggit.

Bilang isang serye ng mga rali at demonstrasyon, martsang bayan, dulasangan at tanghalang bayan, hukumang bayan, pulong bayan, asembleyang bayan, at ng iba’t ibang tipo ng mga miting publiko at pagtitipong bayan, ang FQS nga ay kulminasyon, duluhan, ng mga pagsisikap na nagsimula pa noong 1959 sa pagkatatag ng Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP) na naitatag sa pangunguna ni Jose Maria Sison, ng mga pulong-pag-aaral, miting, porum at simposyum na pinangunahan ng SCAUP at mga kaalyadong grupo at indibidwal ng maagang sisenta; ng pagkatatag ng Kabataang Makabayan noong ika-101 kaarawan ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1964 at ng mga aktibidad sa pag-aaral, asembleya, kumperensya at kongreso ng nasabing organisasyon, na mahigpit ding kaagapay ng mga piket, rali, demonstrasyon, at iba pang tipo ng pangmasang pagkilos ng nasabing organisasyon bilang mga pangunahing porma ng praktika ng mga pinuno at kasapi ng organisasyon. Sa pagpapatuloy ng SCAUP at KM sa ikalawang hati ng sisenta at maagang sitenta, lalunang yayabong ang kilusang kabataan at estudyante, laluna sa Kamaynilaan, kung kaya higit na may pagsusuhayan ang magaganap na kulminasyon, ang FQS sa malaking banda.

Isang kulminasyon ng mahabang proseso ng pagsisikap, pagbubunsod, at pagpapatuloy ang mga tiyak na tuntungan ng pagkakaroon ng FQS, bawat bahagi ay pinlano’t pinagsikapan, pinagkaisahan at pinagtulung-tulungan, ngunit ang bunga ay masasabing isang pagsilakbo, kahalimbawa ng pagsulak ng matagal nang naapuyang sinaing. Gaya rin ng madalas na resulta ng sama-samang pagkilos, mula sa pagpukaw, pag-organisa at pagmobilisa, ang naganap na FQS.

Gayunman, dapat makitang kalahok sa FQS, laluna sa demonstrasyong Enero 30-31 sa Mendiola noong 1970, na nagpayanig sa Malakanyang at pasistang rehimeng US-Marcos, ang Samahan ng Demokratiko ng Kabataan (SDK), Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Samahang Molave, Malayang Pagkakaisa ng Kabataang Pilipino (MPKP), National Association of Trade Unions (NATU), National Association of Free Labor Unions (NAFLU), Katipunan ng Makabayang mga Guro (KAGUMA), Samahan ng Makabayang mga Syentipiko (SMS), Samahan ng Makabayang mga Nars (SAMANA), Malayang Samahan ng Magsasaka (MASAKA), Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa Pilipinas (PKM), Kilusan ng Kabataan sa Tondo (KKD), Kilusang Kabataang sa Makati (KKM), mga student reform movement, mga unyon, maralita ng lungsod, at iba pang mga patriotiko at makabayang grupo at indibidwal. (Sana ay nasagot ang iyong katanungan, kung bakit naganap, saan kaya nag-ugat!)

Ano naman ang naging pamana ng FQS sa mga sumunod henerasyon ng kabataan? Mahalaga pa bang alalahanin ito ng kasalukuyang panahon?

Ang teorya at praktika ng pagkilos pambansa-demokratiko sa kaibuturan ang masasabi kong pamana ng FQS sa mga sumunod na henerasyon, gaya ng League of Filipino Students (LFS), Anakbayan, National Union of Students of the Philippines (NUSP), Student Christian Movement (SCM), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at ng iba pang mga organisasyon, samahan, alyansa at grupong kinabibilangan ng mga kabataan at estudyante. Syempre maaaring ipartikularisa ang teorya at praktikang ito sa mga larangan ng grupong pandiskusyon, pulong pag-aaral, porum at mga simposyum sa mga pangmatagalan at napapanahong mga usapin at isyung panlipunan; sa mga piket, rali, demonstrasyon, martsang bayan, lakbayan, dulasangan, tanghalang bayan at iba pang anyo ng pangmasang pagkilos tungo sa pagpukaw, pag-organisa at pagmobilisa ng mas malawak na masa ng sambayanan laban sa imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Oo, mahalagang alalahanin: una makikita itong nakaangkla sa isang banda sa mga panandang bato sa kasaysayan ng pagkilos ng kabataan sa kilusang sekularisasyon nina Burgos, Gomez at Zamora, sa Unang Kilusang Propaganda nina Rizal, del Pilar at Jaena, sa Himagsikang 1896 nina Bonifacio, Emilio Jacinto, Aurelio Tolentino, Emilio Aguinaldo at Katipunan, sa panimulang kilusang manggagawa nina Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, Dominador Gomez, sa proletaryong mga organisasyon na
pinangunahan nina Crisanto Evangelista, kung saan ang kabataan at estudyante ay matitingkad na bahagi at salalayan ng pagsulong at pag-unlad ng kamalayan at pagkilos; pangalawa, ang kilusang kabataan at estudyante ng sisenta at sitenta ay kapupulutan ng mga binhi ng malalim na pagbaka sa sarili at pagsisikap makipagkapwa, matiyagang pag-aaral sa mga unibersal at partikular na katangian at salik ng lipunan, bayan at bansa, pag-uugnay ng pag-aaral at pag-unawang ito sa lipunan, bayan at bansa, syempre pati ng sandaigdigan, sa mga naaangkop na pagkilos tungo sa pagpukaw, pag-organisa at pagmobilisa sa malawak na masa ng sambayanan tungo sa pagbubuwag ng mapanupil at mapagsamantalang estado at kalagayang panlipunan, tungo sa pagbubuo ng demokratiko, makatarungan at maunlad na lipunan, nang may pagtanaw sa isang lipunang sosyal na pag-unlad ang tunay na nilalayon, para nga sa nakararaming magsasaka, manggagawa, nagdarahop at nagdaralita.

Syempre pa, nariyan ang prinsipyong lingunin mo ang nakaraan, para makita ang nilalandas ng kasalukuyan at mapanghawakan ito–tungo sa pag-unawa, pagbuo, at paghawak ng hinaharap. TOTOO, WALANG MABUTING MAIDUDULOT ANG PAGLIMOT SA ISANG YUGTO NG DEMOKRATIKONG PAKIKIPAGTUOS AT MAKAURING PAKIKIPAGHAMOK!

Kung nasabi ko sa unang bahagi na may pamana at halaga sa kasalukuyang henerasyon ang FQS, nais kong idagdag na hindi lamang sa mga panayam, primaryong pananaliksik, at pagbabalik-tanaw nang tuwiran sa mga lugar/tagpuan/tipunan/hugpungan ng panahon ng FQS makikita ang “pamana” at “halaga” ng Sigwa ng Unang Kwarto ng Unang Dekada ng 1970; bagkus nga makikita ito sa mga aklat, dokumento, artikulo at/o nalimbag na mga panayam at pananaliksik, pati na ang mahigpit na kakawing na teorya, ideolohiya, pulitika at sistemang pang-organisasyon ng panahon.

Oo, dokumentado na ang FQS sa nakalalaking bahagi sa mga sumusunod: Days of Disquiet, Nights of Rage, the First Quarter Storm and Related Events ni Jose F. Lacaba, The First Quarter Storm ng Silangan Publications, 1970 (isang publikasyong underground ngunit may mga kopya sa pangunahing library ng bansa), Kilusang Pambansa-Demokratiko sa Wika ni Monico M. Atienza, mga panayam sa Midweek Magazine sa marami-raming beterno/na, kalahok, at kaugnay ng FQS, gayundin sa mga pahayagang Today, The Manila Chronicle, Philippine Daily Inquirer, sa dalawang VCD kaugnay ng Ika-40 Anibersaryo ng Kabataang Makabayan (SIPAT), iba pang mga VCD at CD na gawa ng mga estudyante, laluna sa UP, na matutunton sa mga kalahok at kaugnay ng FQS, Struggle for National Democracy/Makibaka para sa Pambansang Demokrasya ni Jose Maria Sison, Philippine Society and Revolution/Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero (muling ilulunsad sa ika-15 ng Pebrero sa Balay Kalinaw sa U.P. sa Diliman, Q.C., pinakahuling edisyon), Mga Dokumento ng Pagtatatag ng Kabataang Makabayan noong 30 Nobyembre 1964, Mga Dokumento ng Pagtatatag ng Movement for the Advancement of Nationalism (MAN) noong 1967, mga aklat/monograp nina Hermie Rotea, Ceres Alabado, Santiago (di maalala ang pangalang una), iba pang mga artikulo at salaysay/sanaysay sa dating Manila Times, laluna sa mga panlinggong suplemento nito, pati na sa ilang pahayagan ng panahon, at sa mga talumpati/phone patch ni Jose Maria Sison, taun-taon sa anibersaryo ng FQS, at sa mga dokumento ng pagtatatag, pagpapatuloy, pagsusulong ng First Quarter Storm Movement na itinatag noong 2001, sa mga larawan at Mural (inilunsad nitong ika-36 na Anibersaryo ng FQS sa harap ng dating Kongreso, tagpuan ng simulang pitada ng FQS noong 26 Enero 1970, at ilalagak sa Museo sa Bantayog ng mga Bayani sa EDSA-Quezon Avenue), sa mga larawan, mga artikulo at talumpating naka-post sa www.arkibongbayan.org, sa aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo de Manila University, Polytechnic University of the Philippines, at sa Lopez Museum sa Makati. (Mayaman ding daluyan at sanggunian ng panahon ang mga pahayagan ng unang tatlong buwan ng dekada 70 na matatagpuan sa National Library at Library ng Batasang Pambansa, na may panimula nang gawain ang First Quarter Storm Movement, pangunahin ang pagdodokumento’t panimulang pagtitipon at anotasyon.)

Hindi ito exhaustive, sabihin pa, pero pagpapatuloy pang pagtunton sa “pamana” at “halaga” ng FQS sa kasalukuyang henerasyon, at pati na rin sa hinaharap. Matatandaang lagi ang pangungusap ni George Santayana, na malaya kong isinalin: “Iyong hindi nangatuto sa mga aral ng kasaysayan, ay kinondenang/naitakdang ulitin ang mga ito.” O kaya alalahanin natin ang sabihin ng ating mga nakatatanda: Ang hindi lumingon sa nakaraan, ay hindi makararating sa paroroonan!

Anu-ano po ang pagkakahawig at pagkakaiba ng panahon noong FQS at kasalukuyang kalagayan ng ating bansa?

Mga pagkakahawig ang kalagayang panlipunan noon at ngayon, nasa ilalim o matinding pagkahawak ng imperyalismong US ang gobyernong Pilipinas noon at gobyernong Pilipinas ngayon; suhay at tagapagpatuloy pa rin ang gobyerno noon at ngayon ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo; api at pinagsasamantalahan pa rin ang nakararaming manggagawa at magsasaka, manggagawang bukid, maralitang tagalunsod at iba pang uri at sektor na nagdarahop sa lipunang Pilipino, noon at ngayon.

Pagkakaiba naman na noon ay panahon ng Cold War, may mga bansang sosyalista gaya ng Tsina at Unyong Sobyet at malalakas na kilusang mapagpalaya sa Asya, Aprika at Latina Amerika na malaking suporta at inspirasyon sa kilusang pambansa demokratiko at pakikibaka ng sambayanang Pilipino, kasagsagan ng Proletaryong Rebolusyong Kultural sa Tsina sa ilalim ni Mao Zedong at Tsinong lider sosyalista, at nasa rurok ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga Byetnames, Kambodyano at Laotian laban sa imperyalismong US; pagkakaiba ring nag-iisa ngayon ang superpower na imperyalista, ang US, bilang kaaway ng mga kilusang rebolusyonaryo at mamamayan ng daigdig, walang-habas ang pandirigma nito sa Iraq, Afghanistan, Middle East, at laging gustong manalakay sa iba pang panig ng mundo, kaya napakahirap din sa mga nakikibaka’t kumikilos para sa reaksyunaryong sistemang monopolyo kapitalismo sa daigdig.

Gayunman, magkapareho ang kilusang kabataan at estudyante noon, at ngayon, dahil sa kapwa lumalaban ang mga ito sa imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismong nagsusuhay sa una; at kapwa rin ito pagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa at magsasaka na mas matinding nag-umpisa’t nagpatuloy ng pakikibaka simula noong 26 Disyembre 1968 at mas tumingkad noong 29 Marso 1969; na kapwa pagpapatuloy at paglagpas sa mga kilos-kabataan nina Burgos, ng Unang Kilusang Propaganda nina Rizal, del Pilar at Lopez-Jaena, ng Himagsikang 1896 nina Bonifacio, Jacinto at ng Katipunan, ng mga pagkilos ng manggagawa sa panahon ng Amerikano, maaalala sina Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, Dominador Gomez at mga organisasyon at unyong itinatag nila’t sinalihan, laluna na ang kilusang ng manggagawa at magsasakang pinangunahan nina Crisanto Evangelista, Pedro Abad Santos, Juan Feleo, Felixberto Olalia, Amado Hernandez atbp, at ang paglahok-pagpapatuloy-pagsusulong nila sa kilusang pambansa-demokratiko ng dekada sisenta, hanggang sa pagrurok nito noong 1968 at 1969.

Magkapareho, magkaisa, magkaputol, magkakawing, iisa-ang-pusod sa maraming banda ang KM, LFS, Anakbayan, Movement for a Democratic Philippines, Makibaka, Gabriela, KMU, KMP, US Tobacco Labor Union, at mga kapanalig nila—sa iisang kilusang pambansa-demokratiko at demokratikong pakikihamok ng sambayanan. Syempre, wala lahat ang mga mga ito kung hindi nakaugat at nakakawing sa malawak na sambayanang Pilipino, laluna ng mga manggagawa at magsasaka at maralita ng lungsod.

Sa palagay ninyo, posible bang maulit, o dapat bang maulit ang FQS?

Para sa akin, mahirap ang pagkaulit o pag-uulit ng FQS. Unang-una, me pagkakahawig man ang kalagayan noon at ngayon, at me pagkakahawig ang kanilang mga ideolohiya, pulitika at sistemang pang-organisasyon—tinutukoy ko ang nasa (4)—ay tunay na namang naiiba ang kongkretong kondisyong pangkasaysayan noon at ngayon.

NGUNIT ANG MULING PAGBUGSO AT PAGRUROK NG PAKIKIBAKA NG KABATAAN AT ESTUDYANTE, KASAMA ANG MGA URI, SEKTOR, GRUPO AT INDIBIDWAL NG MALAWAK NA MASA NG SAMBAYANAN, AY HINDI LAMANG POSIBILIDAD, KUNDI PROBABILIDAD. Wika nga ni Rizal sa ANG PILIPINAS SA LOOB NG ISANDAANG TAON, walang pagsasamantala’t pang-aaping nagpatuloy—nang hindi binaligtad at winasak ng inaapi’t pinagsasamantalahan, at wiwikain pa nga niya, ito ang tunguhin ng kasaysayan, saanman at kailanman. AKO’Y NAGHIHINUHA LAMANG, KAIBIGAN! (Tinig.com)

Si Ederic ay founding editor ng Tinig.com. Nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, isa siyang manggagawa sa technology, media, and telecommunication industry. Mababasa rin ang...

Join the Conversation

2 Comments

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.