Tila hindi bibitiw sa baril ang mga daliri ni Nonoy kahit na pukpukin ng maso.

Buo na ang kanyang kapasyahan: aasintahin niya ang ulo ni M. Villa, ang kanyang pangunahing kalaban sa panguluhan ng bansa, at kakalabitin niya ang gatilyo. Mabaliw-baliw na si Nonoy sa galit dahil may ilang linggo nang halos araw-araw ay laman ng mga balita si M. Villa at ang pagsasalaysay nito ng mga ulat mula raw sa mga sakada ng Hacienda Lucia na siya, kapag nalalasing, ay mahilig na mamaril ng sinumang dumaan sa kanyang harapan. Buo ang paniniwala niyang makasisira ito sa kanyang kampanya, kahit na ang mga marka niya sa lahat ng sarbey ay tila walang alam na tunguhin kundi pataas.

At ngayon, sa kanyang sasakyang nakahimpil may ilang daang metro mula sa tanghalan, nakaabang siya at ang kanyang mga badigard sa pagtawag sa pangalan ni M. Villa.

“At ang susunod na magsasalita, mga kababayan, ay ang dapat na maging susunod na pangulo ng Pilipinas — walang iba kundi si M. Villa!”

Humigpit pang lalo ang kapit ng mga daliri ni Nonoy sa baril. Bumaba ang bintana ng kanyang sasakyan at bahagyang sumungaw mula roon ang bunganga ng baril ni Nonoy.

Subalit natigilan siya pagsipat niya sa teleskopyo.

Mukha niya ang mukha ni M. Villa!

Napaigtad mula sa pagkakahiga si Nonoy at natagpuan niya ang kanyang sarili sa silid-tulugan. Sa kabila ng init ng madaling-araw, kasinlamig ng yelo ang pawis niya. Sinindihan niya ang ilaw sa lampshade sa mesitang katabi ng kanyang kama, at siya’y napalingon sa salamin sa dingding.

Mukha ni M. Villa ang mukha niya!

Kumawala mula sa kanyang lalamunan ang isang makabasag-tainga, kakila-kilabot na sigaw.

Naramdaman niyang niyuyugyog ng kanyang mga badigard ang kanyang balikat at siya’y iniwan ni Pagtulog.

“Binabangungot yata kayo, Ser.”

Maaliwalas ang umaga. Ngunit naglalaro sa dibdib ni Nonoy ang mga damdaming kasindilim ng hatinggabing walang buwan at bituin.

Hinanap niya ang salamin subalit wala ito sa kinalalagyan.

Muli, kumawala mula sa kanyang lalamunan ang isang makabasag-tainga, kakila-kilabot na sigaw.

Hindi na niya malaman kung saan nagwawakas ang panaginip at saan nagsisimula ang totoong buhay. Hindi na niya alam kung si M. Villa ba ay naging siya, si Nonoy, o kung siya ba, si Nonoy, ay naging si M. Villa.

Nagtatakbo siya palabas ng silid-tulugan at nang marating ang silid-kainan, itinaob niya ang hapag at tumilapon sa sahig ang lahat ng pagkaing inihanda bilang almusal at panghimagas — kabilang ang ilang kahel na naggulung-gulong.

Natuon ang mga mata ni Nonoy sa mga kahel at lumitaw sa kanyang diwa ang mga eksena mula sa isa sa kanyang mga klase noong siya’y nasa kindergarten.

Okay, class, remember — red plus yellow equals orange. Repeat!

Red plus yellow equals orange.”

Sa kanyang isip ay parang demonyong nanunudyo ang isang tanong:

Ano nga naman ang kaibhan ng dilaw at kahel, liban sa ang kahel ay dilaw na may halong pula?

At habang sinasabunutan ni Nonoy ang sarili, sa kanyang diwa’y paulit-ulit ang dagundong ng pinapag-isang tinig ng mga paslit na nagsasabing red plus yellow equals orange

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Join the Conversation

6 Comments

  1. Mahusay! Napakahusay! Ipagpatuloy pa ang magandang nasimula. Ang kahel ay dilaw at ang dilaw ay kahel… nga lamang ay hinaluan ng pula ang dilaw kaya naging kahel… at ang red orange ay pinalabsabang PULA.

  2. Magandang araw sa iyo, nagustuhan ko itong maikling katha.. Pinublish ko ito sa aking community tabloid na Newswire, kung nais mong makakuha ng kopya, email mo ako sa newswire2007@gmail.com… Kung nais mong mag-contribute ng iyong mga magagandang storya maaari mong i-send sa email. :)

    Maraming salamat! Mabuhay ka!

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.