Sa gitna ng malalang paglabag sa karapatang pantao bunga ng Anti-Terrorism Act of 2020, pagtapak sa academic freedom ng mga kabataan, at walang habas na pagkitil at brutal na pamamaslang ng AFP at PNP, mariing kinokondena ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang tahasan at makaisang panig na pagsasawalang-bisa ng UP-DND Accord, ang kasunduang nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok at kumilos sa loob ng mga pamantasan ng UP System.
Ang kanselasyon ay pinasinayaan sa isang liham ni DND Secretary Delfin Lorenzana na ipinadala sa administrasyon ng nasabing pamantasan. Ito ay sa kadahilanang hadlang diumano ang naturang kasunduan sa pagpataw ng batas kontra-terorismo. Ginawang tabing ang lumolobo umanong bilang ng recruitment sa CPP-NPA mula sa hanay ng mga Iskolar ng Bayan upang pilit na ipagtanggol ang hindi makatarungang terminasyon ng nasabing kasunduan. Hakbang rin ito upang sagarin ang presensiya ng militar sa mga pamantasan at paaralan at parte rin ito ng sistematikong atake laban sa demokratikong kaparatan at akademikong kalayaan ng mga estudyante.
Ngunit kasaysayan na ang nagsasalaysay ng tiyak at tukoy na tukoy na motibo ng pasistang estado para patahimikin at ipitin ang mga mag-aaral na patuloy na nilalabanan ang rehimen ng mga berdugo. Matatandaang ang UP-DND Accord ang nagsisilbing sandigan ng unibersidad laban sa panghihimasok ng puwersang militar upang maghasik ng karahasan. Mula pa noong batas militar ni Marcos at hanggang sa batas militar ni Duterte ngayon, ipinamalas ng mga militanteng estudyante ang tapang, dedikasyon, dugo, at pawis upang patuloy na labanan ang paglabag sa mga karapatang pantao at inhustisya sa mga walang kalaban-laban. Kung nagagawa ito ng estado sa Unibersidad ng Pilipinas, mas asahan na lalong titindi ang represyon at pananamantala sa iba pang mga pamantasan.
Ang pagsasabotahe ng bulnerableng kalagayan ng bansa sa gitna ng pandemya para pasinayaan ang militarisasyon sa mga pamantasan ay pawang gawain ng mga tunay na terorista. Pinapaalala sa mga kabataan ang kanilang makasaysayang papel sa pagpapabagsak ng mga pasistang diktadurang rehimen at sa pagbabago ng lipunan kasama ang batayang masa kung kaya’t hinihikayat ang mga student council at student government na manindigan at makiisa sa pagkondena sa lantarang atake laban sa karapatan ng mga estudyante sapagkat ito rin ay hakbang upang unti-unting buwagin ang student representation kagaya ng student councils at student organizations. Ngayon, lalo’t higit sa panahon ng matinding ligalig at terorismo laban sa sambayanang Pilipino, nangangailangang magpakita ng mas palabang diwa ang mga lider-estudyante upang labanan ang pasismo ng estado.
Ang banta sa Unibersidad ng Pilipinas ay banta na rin sa kahit aling pamantasan o paaralan. Ngunit kasaysayan na rin ang nagdikta na sa patuloy na panunupil ng estado, mas umaalab ang ating patuloy na pakikibaka. Binibigyan lamang tayo ni Duterte ng dagdag na rason kung bakit dapat tayong kumilos at patalsikin ang mga naghahari-harian sa puwesto!
Uphold UP-DND Accord!
Defend Academic Freedom!