. . . At gayon na nga, tulad ng mga nauna sa kanya
sumungaw lang sa kanyang nunal ang mga hungkag na kataga:
“Ating kulayan ng puti ang nakalatag na dilim. Sikaping
maampat ang daloy ng dugo sa mga sugat. Mag-usap.
Hawiin, pawiin ang usok sa dulo ng ating mga armas.”
Malapit sa lupang kanyang tinatapakan, sa isang libingan,
magkaisang-tinig na humiyaw ang mga napaslang na kawal
sabay sa luksang palahaw ng mga anakpawis na nabuwal
sa kabundukan — na ngayo’y pinapaypayan na lamang
ng mga damong ligaw na tumubo upang takpan
ang mga libingan nilang walang pangalan at palatandaan:
“Kung itinuwid n’yo lamang, noon pa man, ang lahat n’yong kalikuan
matagal na sana tayong tahimik. Matagal na sanang tapos ang lahat.”