Pinadaloy ni Ondoy, isang araw, ang hilakbot at hinayang.
Parang Spoliarium ni Luna
gumimbal sa madlang nakakita ang mga larawan:
Mga patak ng luha — sumanib sa agos
at humalik sa mga pasimano’t bubungan;
anupa’t ang buong pamayanan
naging kuwadrang lumulutang.
Nakitang magkaakbay, inaanod sa nagsa-dagat na lansangan
ang mga pigtas na tsinelas,
supot ng nilimos na kanin,
banig na karton,
Ferragamo sandals;
bag na Prada at Louie Vuitton
Nilunok ng ilog, magkayakap na gumulong
pasinghap-singhap na lumubog
ang makikintab na Toyota Corolla at nanlilimahid na kariton
Kasama ng mga nasa trono ng kapangyarihan,
sinisisi nila ang Angat Dam, ang Ambuklao, ang Maasim at Pantabangan
Walang maririnig kundi piksi at palatak ng panghihinayang.
Maririndi ang mga dam sa dagundong ng mga sumbat at tungayaw.
Nguni’t kung makapagsasalita lamang, sasabihin nila:
“Itinuro namin sa inyo ngayon ang pilosopiya ng kalikasan:
Kakalusin, isang araw, ang kasakiman at kahirapan.
Sa pagsapit, sabay-sabay, daluyong na mag-aalsa
ang mga pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Wawasakin nila ang lahat ng harang. Hindi ito mapipigilan.
Magaganap, sa isang iglap, ang isinisigaw nilang
kalayaan at pagkakapantay-pantay.”
Kung kailan at paano? Iminumungkahi ito
ng natutunaw na yelo sa loob ng baso.