Ina ka ng deka-
dekadang dalamhati.
Ina ng luha.

Tinakpan at pinapaging-bingi,
tenga kang nakarinig
sa laksang hiyaw, daing at tungayaw
ng mga anak mong binalian ng tadyang.
Sa iyong harapan.
Sa iyong paanan.

Hindi ka naringgan ng anumang hinanakit.
Sinusukat ang di masukat
na bigat
lalim
diskurso ng bawat panig.

Sa sinapupunan mo’y apoy
Nguni’t humihikbi ka sa dilim,
Walang kurap na itinatangis
maging ang panahong
sabay-sabay silang nagsasabi:
Amin ang tulay! Amin ang tulay!

Kailan ka nga ba nila naging pag-aari?
Di ba’t ikaw ang nagmamay-ari sa kanila?
Tagapag-ingat :
ng mga bangkay nilang lumulutang,
fetus, alambre, posas, tae, condom,
at lahat nilang kabulukan?

Kung maari lang sana, naisip ko lang naman,
Minsan nama’y ikaw na ang sumigaw,
Ang maglahad ng kamay.
Itawid kung sino ang dapat itawid.
Mamili ka:
Ang masa o ang buwaya?

Oliver Carlos

Si Oliver ay kasapi ng Dekada80 Movement (UE Chapter), isang organisasyon ng mga aktibista ng Dekada 80 na naglalayong kabigin at muling ipaloob sa Pambansa Demokratikong pakikibaka ang mga dating aktibista...

Join the Conversation

2 Comments

  1. hay, nako dko masyadong maintindihan ang mga duguang plakard ni R.G.M…piro kahit papano may natutunan naman ako..heeehhee.
    thanks po…

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.