Kaming bumubuo ng Clergy for The Moral Choice ay nagpapahayag at naninindigan:

1. Na kami ay kasang-ayon sa panawagan ng CATHOLIC BISHOPS CONFERENCE OF THE PHILIPPINES na ating bantayan at pangalagaan ang katotohanan, sapagkat ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa atin; na ang katotohanan at kalayaan ay magka-ugnay, at sinumang hindi tumatanggap at gumagalang sa katotohanan ay alipin ng kasalanan at banta sa ating kalayaan;

2. Na katulad ng mga mahal na Obispo, kami man ay nagmamasid at nag-uusisa, nakilahok at nanguna sa mga circles of discernment, consensus building, naghusga at nagpasya, at ngayon ay handang kumilos nang naaayon sa aming kunsiyensiya at bilang malayang pagtugon sa paanyaya ng Espiritu ng Panginoon na kami ay magpahayag at manindigan. Bagamat batid namin na ito ay hindi madaling gawin at nangangahulugan ng kahandaang magsakripisyo, nakahanda naman kaming batahin ito sapagkat batid din namin na ang kapalit nito ay ligayang nagbubunga ng paghahari ng katotohanan, kalayaan at kaunlaran para sa tanan;

3. Na ang nalalapit na halalan ay lubhang kritikal para sa ating kinabukasan, sapagkat ang mga kandidatong nasa ating harapan ay sadyang hindi pantay-pantay sa moralidad, dedikasyon, kakayahan at kaisipan; Na hindi kami maaaring magwalang-bahala at bayaan na lamang ang kapalaran ng ating bansa sa gitna ng mga huwad at mapanlinlang na mga pahayag na naglalayong baguhin ang kasaysayan ng ating bansa, lalo na sa mga usaping naglalarawan at nagkukundisyon sa isipan at kamalayan ng ating mga mamamayan na ang Martial Law Years ay tinatawag na “golden years” ng ating bansang minamahal;

4. Na ang pagpapalaganap ng mga hinabing kasinungalingan at panlilinlang sa ating mga kababayan ay nagaganap hindi lamang sa pagbili ng boto kundi maging sa tulong ng mga bayarang trolls na kinakasangkapan ng mga kandidato upang pabagsakin ang katotohanan hanggang sa mailuklok sila sa pwesto ng kapangyarihan;

5. Na dapat ay buong tapang, tibay ng loob at lakas ng pananampalataya nating labanan ang pagpapalaganap ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa ating mga kababayan, at ilantad to sa liwanag ng katotohanan;

6. Na ang aming pasya na iendorso sina Vice President Leni Robredo bilang Pangulo at Senador Kiko Pangilinan bilang Pangalawang Pangulo ay bunga ng aming masusing pagkilatis at pag-aaral sa mga angking katangian, kakayahan, track record ng mga nagawa na at mga platapormang nilalayong isakatuparan sa kanilang pagluklok sa pagiging punong-lingkod ng sambayanang Pilipino; Na sila ay hindi kailanman nabahiran o naiugnay sa anumang katiwalian sa panahon ng kanilang paglilingkod bayan sa nakalipas; na bilang pagkilala sa masinop at maayos na pamamahala, ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo ay pinagkalooban ng Commission on Audit ng pinakamataas na antas ng pagkilala at parangal sa tatlong sunod-sunod na taon;

7. Na aming kinikilala at pinagpupugayan ang mga katangiang ipinakita nina VP Leni at Senador Kiko bilang mga servant-leaders o punong-lingkod, hindi lamang sa panahon ng kanilang panunungkulan sa pamahalaan, kundi maging sa kanilang pribadong buhay, na nagpakita ng malasakit, pagkalinga, pagtulong at pag-agapay sa mga sektor ng lipunan na nangangailangan nang higit, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan; na sila ang mga uri ng pinunong may malinaw na vision o pananaw at pangarap para sa Inang Bayan; Na sa kanilang buhay, pribado man o panglipunan, ay taglay nila ang mga katangian ng tuna na pastol na handang mag-alay ng kanilang buhay para sa kawan, at hindi kailanman tatakbo, liwas o magtatago sa mga hamong kaakibat ng kanilang paglilingkod-bayan;

8. Na yayamang sa araw ng Linggo, ika-8 ng Mayo, ang Linggo ng Mabuting Pastol, isang araw bago ang halalan, ay atin nawang kilatising mabuti kung sino sa mga kandidato ang nagtataglay ng mga katangiang inilalarawan ng Panginoong Hesukristo ng pagkakakilanlan bilang tunay na pastol para sa kawang binubuo ng sambayang Pilipino:

JUAN 10:1-11

9. Ang Tunay na Pastol

1 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na, siya’ y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

“Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya’t sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya’y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol

10. Patnubayan nawa tayo ng Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol, at ni Maria, ang Ina ng Mabuting Pagpapayo, sa ating mahalagang pagkilos at ambag para sa sambayanang Pilipino. My choice! My votel My faith! Ipanalo natin ito! Sa akin at sa inyong marangal na boto, panalo ang sambayanang Pilipino!

May 5, 2022

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.