Sa kawalang-halaga
dito nananahan ang buhay. Maging ang kamatayan.
Nakasiksik sa madidilim na sulok at madalas
ay kumakapit sa pihitan ng mga tarangkahan.
Upang balewalain lang. Kahit tingin, di man lang tapunan.
Sinusulsi natin ang sapot ng sapantaha
nilulubid ang mga gustong paniwalaan
tungkol sa ugnayan ng pangyayari at mga bagay
upang malaman na sa dakong huli
lahat, sayang lang.
Dahil di nila tayo naiintindihan.
Sa gitna ng sanga-sangang diskurso,
sa nag-uumpugang kaalaman,
sa nag-aalab na balitaktakang
nagsimula sa bulong at ngayo’y nagiging mga sigaw,
mistula akong tumitiyad sa bloke ng manipis na yelo —
at sa kapirasong espasyong ito ng kawalang-katiyakan
nagtatanong ako,
ano nga ba ang ginagawa ko rito?