Ederic EderHabang kinakalampag nating mga Pilipino ang kalangitan noong Agosto ng nakalipas na taon para hilingin ang paggaling ni dating Pangulong Corazon Aquino, muling kumalat sa bansa at nakarating maging sa cyberspace ang dilaw na lasong minsang naging simbolo ng paglaban sa diktaturyang Marcos.

Ilan sa cyberfriends ko ang nagmungkahing gamitin namin sa Twitter ang Twibbon, na awtomatikong maglalagay ng dilaw na laso sa avatar ng lahat ng mga gustong magkaroon nito. Nagtanong din sila kung sino ang maaaring mag-upload ng yellow ribbon. Dahil may kaunting kakayahan at sandaling panahon, agad kong sinimulan ang Yellow Ribbon for President Cory sa Twibbon.com. Mabilis itong kumalat at sinuportahan ng maraming tweeples, kabilang ang Pinoy celebrity Twitterers.

Nang pumanaw si Pangulong Aquino pagkalipas ng ilang araw, lalong lumaganap sa Twitter ang dilaw na twibbon ng panalangin at pagmamahal para sa Icon of Democracy ng Pilipinas.

Nagmistulang kilapsaw sa tubig (ripples) ang proyektong Yellow Twibbon — nagsimula sa mungkahi at pagkilos ng ilang netizen at nakaabot sa malalayong lugar. Habang isinusulat ito, may 22,360 supporters ang kampanyang ito, na nai-feature na rin sa telebisyon.

Parang ganyan din ang Tinig.com. Nang simulan namin ito ng kaibigan kong si Noel noong 2001 pagkatapos ng People Power 2, para kaming naghagis ng isang ideya sa karagatan ng cyberspace. Lumikha ng kilapsaw ang ideyang ito at nakarating sa mga iba’t ibang pampang.

Bawat ka-Tinig na nag-ambag at tumulong sa pagpapatuloy at pag-aasikaso nito — lalo na ang magkapatid na Alex at Aris, gayundin si Vlad — ay nagsikap upang di agad maglaho ang kilapsaw. Nakarating ang kilapsaw sa iba’t ibang lalawigan at paaralan sa bansa, at pati na rin sa ibang ibayo dala ng mga kagaya ni Angela. Ang bahagi ng kilapsaw ay nakarating din sa Kongreso — at sana’y manatili pa roon – sa tulong ni Mong, isa sa mga pinakaunang ka-Tinig.

Sa patuloy nating pagpapalawig sa kilapsaw na likha ng Tinig.com, sinisimulan ko ang karagdagang pang-ambag sa mga pahina nito. Manatili sana kayong ka-Tinig hanggang ang ating kilapsaw ay maging bahagi ng mga along maghahatid ng pagbabago sa pugad ng ating luha’t dalita.

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.