Labingwalo siya nuong una kong makita
hawak ang baling plakard, tutop ang dibdib na lumuwa
ang kaniyang anino sa dilaw na kabuteng

kumalas sa magkakahawak na kamay. Duon ko nakita
ang mapupulang matang iyon — hugasan man, lunurin man
sa supot ng tubig na inihagis ng isang kasama

mananatiling nag-aapoy, tingkad na pula
katerno ng rubdob na pintig ng puso niyang
inilaan na sa mga aba. Siya ang ligaw na along

banayad na humalik at yumakap sa buhanginan
ng pandama. Ng pagkatao kong tila dahon
sinisiklot dinuduyan ng hangin sa kung saan

Kumusta na kaya siya? Dalawampu at limang
talulot lang na napigtal ang mga taon. Sana, anurin
pabalik sa kanya ng namumuong daluyong —

ng aklasan at pagbabangon — ang mga ipinabaong
kataga, bago pa siya nawala:

Kas, iguguhit ko sa ulap ang maamo mong mukha
upang bukas, ikaw at ang ating ngayon ay banayad kong mahaplos.
Anuman ang kahinatnan ng lahat, pagkatapos ng sigwa
tandaan mo lang, mahal kita. Hihintayin kita.

Si Oliver ay kasapi ng Dekada80 Movement (UE Chapter), isang organisasyon ng mga aktibista ng Dekada 80 na naglalayong kabigin at muling ipaloob sa Pambansa Demokratikong pakikibaka ang mga dating aktibista...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.