Nung isang araw, may kinwento yung professor ko nung kolehiyo. Sa klase niya, itinaas niya ang kanyang kamay at gumawa ng ‘L’ sign gamit ang kanyang hintuturo at hinlalaki. Tinanong niya ang mga estudyante niya na nasa kolehiyo kung ano ang ibig sabihin nito. Sabi ng mga bata, ‘loser’ daw.
Habang sinusulat ko ‘to, hinahatid na sa huling hantungan si Tita Cory. Madilim ang kalangitan, pabugso-bugso ang ulan. Malungkot ang kapaligiran.
We all saw it coming. Noong ipinaalam ng pamily niya na tinamaan ng colon cancer ang dating Pangulong Corazon Aquino, alam na natin na may mangyayaring masama. Hindi lang natin alam kung kelan.
Pero hindi sumuko ang ilan. Noong isinugod sa ospital si Tita Cory, bumuhos bigla ang dasal. May vigils, may pamisa, may parosaryo. Ika nga, it would not hurt to ask for a little miracle.
Pumanaw si Tita Cory isang Sabadong madaling araw. Ayon sa kanyang pamilya, mapayapa siyang yumao.
Sabi nga ng marami nitong mga nakaraang araw — dahil sa dami ng tao na nakiramay sa pamilya Aquino — nabuhay raw muli ang 1986 EDSA revolution. Parang People Power daw ulit.
Ipinanganak ako noong 1988, dalawang taon pagkatapos ng makasaysayang “peaceful revolution.” Noong naging presidente si Tita Cory, masyado pa akong bata para husgahan yung pamamahala nya, o para makilala man lang sya.
Pag sinabi mo ang pangalan ni Tita Cory sa ‘kin, ang biglang papasok sa isip ko eh siya ang babaeng parating naka-yellow. Siya ang nanay ni Kris Aquino. Nakakahiya tumabi sa kanya kasi parang napakahinhin nya. Sabi nga nila, she’s a true lady — a rarity lalo na sa panahon ngayon.
Kahit hindi kami close, sa hindi ko malamang kadahilanan, sobrang nalungkot ako nung nalaman kong pumanaw na siya. Isang madilim at malungkot na Sabado.
Dahil sa medyo maulan noong panahon na yon, napasarap yung tulog ko. Weekend nun, at sa normal na pagkakataon, wala akong pasok sa opisina. Kagagaling ko rin sa lamay ng sarili kong tita, kaya puyat talaga. Ayaw ko sanang tingnan yung phone ko, pero sa hindi ko maintindihang cosmic force, naalimpungatan ako at binasa ang telepono. Pinapa-report kami sa opisina. Namatay na nga raw si Cory.
Hindi ko maintindihan yung pakiramdam. Hindi na ako nabigla, pero hindi rin ako makapaniwala. Akala natin, handa tayo sa mga mangyayari, pero may kirot pa rin sa dibdib.
Bumaba ako kaagad para tingnan ang balita. Tamang-tama naman, commercial. Pero syemps, naatat ako, gusto ko kaagad makakuha ng detalye. Nagbukas ako ng PC at nalaman ang nangyari.
Naging emosyonal lang ako sobra nung napanood ko na sa TV.
Nung pagkabukas ko ng TV, tamang tama nire-replay nila ang speech ni Tita Cory sa US Congress noong 1986. Nabasa ko naman na yung speech na yun, pero iba ang pakiramdam nung pinapanood ko sya.
Hindi ko namamalayan, umiiyak na pala ako. Hindi ko rin maintindihan.
Dahil nga sa hindi pa ako tao noong EDSA I, nababasa ko na lang sa mga libro, o di kaya’y nakukwento nalang sakin ang mga nangyari nun. It was a Cinderella story — isang simpleng byuda na ang tanging karanasan sa pulitika ay ang pagsuporta sa namayapa niyang asawa. Ang biyudang ito ay nilabanan ang isang diktador na ilang dekada nang hawak ang kapanyarihan.
Malamang, kahit hindi pa kami buhay noon, ang mga kabataan ngayon at mga kabataan bukas ang pinakanaapektuhan o maaapektuhan ng laban ni Tita Cory noon.
Dahil sa kanya, naibalik ang demokrasya. Hindi takot ang mga tao na magsalita. May kalayaang mag-isip ang mga tao. May kalayaang magtanong. May kalayaang manaliksik. May kalayaang manghusga.
Siguro sa ibang tao, parang hindi nila napapansin o pinapansin ang sarap ng mga kalayaang yon. Na parang wala lang talaga.
Hindi ko na itatanggi na may mga kakilala akong kaedad ko na mukha hindi naman masyadong apektado sa pagpanaw ng dating pangulo. Nung una, akala ko, OA lang ako. Yun pala, napag-isip-isip ko, apathetic lang sila.
Pero para sakin — at para sa iba pang kabataan na nakilala ko nitong mga nakaraang araw – malaking halaga ang demokrasya. Noong 2004, pumasok ako sa kolehiyo bilang isang estudyante ng Journalism. Kung hindi nagdesisyon si Tita Cory na ituloy ang laban ni Ninoy, malamang ibang tao ako ngayon. Hindi natin alam. At buti na lang, hindi na natin malalaman.
Grumadweyt ako noong isang taon at ngayon nagtatrabaho na at merong ‘media’ ID. Lalo ko ngayong naa-appreciate ang kalayaan sa pamamahayag — ang kahalagahan ng demokrasya.
At wala itong lahat kung hindi lumaban ang isang simpleng byuda.
Dapat nung pagpanaw palang ni Tita Cory ko isinulat ang kolum na ‘to. pero gusto ko pa sanang dumalaw sa labi ng dating presidente muna.
Kaya noong pagkalipat sa kanyang mga labi noong lunes sa Manila Cathedral, niyaya ko agad ang mga kaibigan ko. Mas malapit kasi ako sa Intramuros nakatira kesa sa La Salle Greenhills. At least, pagkagaling sa opisina, pwede na akong tumuloy dun, kahit umagahin na ako.
Tatlong kaibigan ko ang niyaya ko, isa lang ang sumama sa ‘kin. Yung isa kasi, game naman daw, pero umatras sya nung sinabi kong gusto kong pumila. Nakakadismaya, pero naintindihan ko naman. Medyo.
Yung nakasama ko naman, mula ngayon ay tatawagin natin syang Ramon, ay willing naman pumila. Pero siya yung tipo na pipila kasi maraming pumipila at nakikiuso. Nayaya ko lang siya kasi sabi ko dadalhin ko ang kamera ko at pwede kaming maglitrato dun.
Pagbaba namin sa Lawton, nilakad na lang namin ni Ramon papuntang Intra, pero noong nasa Bureau of Immigration pa lang kami, nakikita na namin ang dulo ng pila. Nakapila kami agad.
Sinasabi sa mga balita na mahaba nga ang pila. Akala ko, joke lang. Totoo pala. Pinakaayaw ko pa mandin sa lahat eh ang pumila nang pagkahaba-haba. Ewan ko, tamad na tamad kasi ako maghintay. Pero iba ‘tong pila na ‘to.
Hindi ko mapaliwanag, pero yung sinasabi nila na walang nagrereklamo, totoo yun. May naglolokohan lang na “Pagdating natin dun, alas-quatro na. Saktong pag tayo na ang papasok, isasara na nila!”. O di kaya’y “Yung pila, hanggang City Hall na! hahahah!”
Masaya naman kasama si Ramon kaya aliw naman ang pagpila at hindi nakakabagot. Tawa lang kami ng tawa. Tinatantya ko na nga at pinapakiramdaman kung gusto nya na umuwi eh. Kilala ko yun eh, mareklamo. Pero dahil sa hindi ko na naman maipaliwanag na cosmic force, wala naman akong reklamong narinig sa kanya (except dun sa masakit nyang paa kasi naka heels sya — loko lang).
Wag nyo na itanong kung saan umikot ang pila kasi hindi ko rin alam kung saan pang eskinita kami nakarating.
Apat na oras kaming nakapila, at nakakatuwa naman na walang nag-amok o uminit ang ulo. Nakakatuwa pa nga yung mga nasa harapan at likuran namin ni Ramon.
Bigla kasing bumuhos yung malakas na ulan, eh nakalimutan ko naman yung payong ko, tapos si Ramon naman ay silong para kunin ang payong nya sa bag. Syemps, ayaw ko naman umalis sa pila, baka kasi magkagulo. Nung napansin nung nasa harap namin na wala akong payong at medyo nababasa na, nilapitan nya naman ako at pinayungan. Thanks, Kuya!
Hindi lang yun yung kwento ng kabutihan na maririnig mo, eh. Nung nakapila kami, may namimigay ng tubig. Meron pa yung na-report na namimigay ng hamburger. Nung natanong yung namimigay,sabi nya, may nagbigay raw ng P3,000 sa kanya para ibili ng hamburger at ipamigay sa mga tao.
Anyway, nung nakapasok na kami sa Manila Cathedral, naiba ang mood. Pagkatapos naming sumilip sa mga labi ni Tita Cory, bigla kaming tumahimik. Nagpapakiramdaman kami ni Ramon kung sino ang gustong unang magsalita at mag-comment (ma-comment kasi kami pag kami ang nagsasama). Wala. Silence. May respeto at paggalang na bumabalot samin, tapos may lungkot rin syempre. Pero mas malaki yung respeto.
Pinagmasdan ko si Ramon. Alam kong pumunta sya Intramuros at sumama sakin para kumuha ng mga litrato, pero sa apat na oras naming pagpila, kahit papaano ay namulat din siya sa mga isyung panlipunan.
Nakakatuwa rin kasi akala ko, mga matatanda na yung mga makikita kong tao dun. Pero magugulat ka kasi yung mga ka-edad ko, o mas bata pa sakin, matiyaga ring pumipila. Yung iba nga, bumili pa ng yellow shirts na may mukha ni Tita Cory.
Limang araw na ang nakalipas mula nang pumanaw si Tita Cory. Limang araw nang madilim ang paligid. Sa loob ng limang araw na yun, kitang kita mo ang pagmamahal ng mga tao sa kanya — kahit ano mang henerasyon. Medyo korni yung mga gagamitin kong salita, pero eto ang totoo: mahal ng mga tao si Cory Aquino.
Hindi ako kamag-anak ni Tita Cory, pero kahit ako, nao-overwhelm sa respeto na binibigay ng mga tao. Sa dami ng tao na nagpapaulan para lang makita sya sa huling pagkakataon — bato na lang ang hindi mata-touch dun.
Sabi nila, ‘history will be the judge’. Ngayong ililibing na si Tita Cory, hinuhusgahan na sya ng kasaysayan. Maaaring hindi sya ang pinakamagaling na presidente sa buong mundo, pero pinamunuan nya tayo gamit ang moralidad, sinseridad at takot sa Diyos — mga katangian na totoong kelangan natin sa isang lider (na nakakalungkot mang isipin, konti nalang sa kanila ang meron ganito).
Pagkatapos ng termino nya, naging ‘security blanket’ natin sya, kasi alam natin na lahat ng sasabihin nya ay kampi sa mga normal na Pilipino.
Ngayong namamahinga na sya, karapat-dapat lang ang respeto at paghanga na ipinamamalas ng mga Pilipino para sa kanya. At ngayong wala na sya, kailangan na nating tumayo sa sarili nating mga paa.
Wala nang magtatanggol sa ‘tin pag may nagbabanta sa demokrasya ng Pilipinas, pero hindi ibig sabihin, hindi na tayo lalaban. Wag lang natin kalimutan ang mga itinuro nya sa ‘tin. Kaya natin ‘to.
Bravo, Tita Cory.
Salamat sa demokrasya at sa malayang pamamahayag. Hindi man halata, pinapahalagahan pa rin namin ang pamana mo.
Kami naman ang lalaban.
Paulit-ulit pinapatugtog sa radyo ang “Handog ng Pilipino sa Mundo” at sa konteksto ng mga pangyayari ngayon, naluluha na lang ako pag naririnig ko sya. Kung tingin mo, OA nako, basahin mo na lang yung lyrics ng kanta. Tapos tingin ka sa paligid mo.
Ano kayang mangyayari pagkatapos ng libing?
Nakakatakot matapos ‘tong lahat. Nitong mga nakaraang araw, may maganda akong nakita — tahimik (bukod sa mga pa ilan-ilan) ang mundo ng pulitika. Mayroong pagkakaisa. Lumalabas ang kabutihan ng mga tao.
Pagkatapos ng libing ni Tita Cory, ano na?
Balik na ba ulit yung pag-aaway-away sa political arena?
Papapanood ko na naman ba na magpalitan ng hirit ang mga magkakaaway sa Senado?
Tatraydorin nanaman ba tayo ng kongreso at itutuloy na ang paglakad sa HR 1109?
Apathetic na ba ulit ang mga Pilipino?
Mau-umay na naman ba ako sa mga nakakairitang political advertisements sa TV?
Balik na naman ba sa dati?
Sana makuha natin ang mga mensahe ni Tita Cory.
“Do not stand at my grave and weep,
I am not there, I do not sleep.
Do not stand at my grave and cry,
I am not there. I do not die.”
– Mary Elizabeth Frye
It’s a very nice story blogging. Blog hopping lang po…
Regards
Donny