Nilalapirot na mumo
sa hinlalaki’t hintuturo ang mga siphayo.
Ang takda — gumugulong,
umiikot na labirinto
ng mga walang sagot na tanong
Kaibigan niya ang Nazareno (iyon ang sabi niya)
Kaakbay sa luhod-lakad na litanya
ng rosaryong nalilipasan ng gutom;
ng agua-benditang tila-ulang sinasahod
upang pagmulat, pasuray-suray ding humanap
ng pantighaw — tubig na maiinom.
Sa bangketa ng Legarda, uupo
sasandal ang katandaan. Iuugoy ng umuusok
na tambutso ang mga singhap; at doo’y hahanapin
hindi sa dasal, kundi sa baryang inilalaglag
ng mga nagmamadaling nilalang ang mga ulyaning pangarap.
At habang pinagugulong sa lalamunan ang butil-butil na asam,
tila kuwadradong yelo ang mga ito, kumakalansing,
nilulunod sa alak
sa loob ng mga nagpipingkiang kopita ng kapangyarihan
sa kabila ng tulay — sa ilog ng paghihiwalay.
Samantalang silang mga pinahiram ng poder
ay palalong nagdiriwang,
kasama ng Diyos (na kaniyang kaibigan),
nilalapirot na mumo sa hinlalaki’t hintuturo
ang tiklop-tuhod na pag-asa
sa piling ng barya-baryang mga habag
na kasama niyang nalalaglag.