Nakatindig akong kasama ninyo
sa balisbisang iyon ng Mendiola…
sa harap ng sementadong tulay
na naghiwalay sa atin mula sa kanila…
silang mga panginoon dito sa lupa,
at tayong mga aliping bumubungkal ng lupa.

Naroon ako.
Anak din ako ng lupa…
at sumusumpa akong wala kayong kasalanan
sa katampalasanang ipinalasap sa inyo
sa madugong araw ng Enerong iyon.

Sumisigaw kayo’t humihiling
ng lupa…
ng buhay…
Nais lamang ninyong madama nila
na ang lupa ay inyong buhay…
at ang buhay ninyo’y kadugtong na ng lupa.

Hindi kayo nagtungo roon
upang wari’y sumugba sa apoy…
upang kitlan ng hininga…
manapa’y ninais nyo lamang
na madugtungan ang inyong mga buhay.

Wala kayong kasalanan…
para yurakan at barilin ang inyong tanging hiling.

Ang nais lamang ninyo’y lupa…!

**********************
Sa Alaala ng mga Martir ng Mendiola Massacre…

Naisulat ko ang tulang ito bilang alay sa mga kasamang magsasaka na nasawi sa Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Dalawampu’t isang taon na ang nakalipas, sariwa pa rin ang sugat sa dibdib ko.

Oliver Carlos

Si Oliver ay kasapi ng Dekada80 Movement (UE Chapter), isang organisasyon ng mga aktibista ng Dekada 80 na naglalayong kabigin at muling ipaloob sa Pambansa Demokratikong pakikibaka ang mga dating aktibista...

Join the Conversation

2 Comments

  1. hindi kailanman magmamaliw ang sugat sa mendiola hangat nanatili ang sistemang nagtatali sa ating mga magsasaka 21 taon na ang nakakaraan.
    Ang laban 21 taon ang nakakaraan patuloy pa ding nagaganap.

  2. … ang diwa at alaala ng masaker sa mendiola ay di kailaman dapat kalimutan. dapat lamang na ituloy ang laban…hanggang maitawid ang mga daing nila…sa kabila ng sementadong tulay.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.