Nasaan ba siya rito? Ang naulinigan kong tanong mula sa iyo.
Hindi ako sigurado kung sino talaga ang iyong tinatanong

‘Yan bang lumang litrato na hawak mo?
Ang sarili mo? O ako?

Nariyan ako

Kung titingnan mo lang na mabuti, kahit natutungkab na ang gilid
at mapusyaw na ang kulay, maaninag mo pa riyan
ang nakayukong puno na sanga at mga dahon lang ang nakunan–
diyan sa bandang kanan.

Sa background naman, nariyan ang dalisdis
na tinubuan ng medyo kumakapal nang talahib,
mga bulaklak na ligaw at maliliit na halamang-bundok
na dinidilaan ng sinag ng papalubog na araw.

Napapansin mo ba ang nakaalsa at parihabang lupa
na tila iniiyakan ng puno sa gawing kanan? —
Iyan mismong tinatakpan ng mga daliri mo ngayon —

Nariyan ako.

Hindi mo na nga lang ako makikitang nakangiti,
naka-victory sign o nakataas ang kuyom na kamao, gaya ng dati.

(Kinunan kasi iyan isang araw matapos akong mabuwal. Diyan ako inilibing
ng ating mga kasama. Pagkatapos naming maka-engkwentro
ang mga pasistang sundalo sa may Sapang-Bato)

Oliver Carlos

Si Oliver ay kasapi ng Dekada80 Movement (UE Chapter), isang organisasyon ng mga aktibista ng Dekada 80 na naglalayong kabigin at muling ipaloob sa Pambansa Demokratikong pakikibaka ang mga dating aktibista...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.