Ang sabi mo’y “laging nakagagalak” ang ako’y makita.
Ang ibig sabihin niyon, wika mo, ay “buhay pa tayo.”
Ganoon ang bati mo sa akin
noong huli tayong magkita.
At naguhitan ang iyong mga labi
ng isang ngiting tila pabaon
sa isang mahabang-mahabang paglalakbay.

Hindi kita masisisi.

Panahon ito ng harapang pagsasagupa
ng dilim at liwanag.
Nagwawala ang karimlan,
ang layo’y lamunin ang lahat ng maraanan.

Panahon itong wala tayong matiyak
kundi ang kawalan ng katiyakan,
at maaari ngang kailangan mo akong pabaunan
ng ngiting madadala ko
sa isang mahabang-mahabang paglalakbay.

Gayunman,
sakaling ako’y di mo makita sa susunod,
hindi iyon ang katapusan ng lahat
ng pag-asang ang kaliwanagan ay bubulwak isang araw
sa ating paligid.
Sa pagtatagisan ng gabi at ng araw,
ang nakikita’y hindi siyang lahat na naririyan.

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.