Hindi ako
nakapaghanda,
binigla.

Dinakip
ang aking
mga salita.

Binusalan
ang mga paksang
hindi raw kailangang
itago sa mga imahe.

Itinali ang dulo
ng mga saknong
upang mahinto
ang pagdugtong
ng mga adhika.

Dahil sa pula
ang kulay
ng tinta. . .
bawal.

Di raw kailangang
humiyaw
ng panghihikayat
ang aking mga titik.

Isang paniniiil,

Sa mga daliring
kumikiwal
ilabas ang totoo
sa mga likhang
hindi kaylanman
maikukulong
ng anumang batas
na pumipigil
sa pag-aaklas ng dibdib;
Mga tulang
di magpapatalo.

Akala lang nila
na wala na akong
magagawa.

Si Francis ay nagtapos sa Pamantasan ng Silangan (Caloocan), isang propesyunal na manggagawa sa Makati at lumahok na sa mga workshop para mapaunlad ang kaalaman sa panulaan. Siya ay tubong Majayjay, Laguna.

Join the Conversation

1 Comment

  1. Ako po ay tubong Majayjay din. Ang ninong ko po sa binyag ay si G.Cecilio Montesena. Mabait po sila ng Ninang Feliza. Di ko lang po alam kung nasaan na sila ngayon. I remember their kindness to me.
    Sur are you related to them?

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.