hindi ako sakim at pagod na ako sa pagsusumiksik. kung gaano tayo kalapit dati ay syang lawak ngayon ng pumapagitan sa atin. ni wala nang natirang paliwanag, sapat na ang naibigay. siguro’y lumabis lang ang paniniwala na ang samaha’y di magugunaw. nagising na sa realidad na di kayang pigilan ang bawat pagpapaalam.

ang ‘sang laksang mga ngiti at luha ng lumipas ay itinatabi ko na sa kailaliman ng diwa. habang ang pinagsaluhang mga lihim ay iuukit nalang sa memorya. hinahayaan ko nang maglipana ang alaala kung saan nito hangad pumunta; kung saan mas liligaya; doon sa kung saan di na kailangan pang takbuhan ang nabuong mga gunita.

may panlulumo man ay walang panghihinayang sa mga sandaling naigugol. nakapinid ang ating larawan dito sa puso. larawan ng kahapong nangarap at nangako. at gaya ng ibang litrato di naisalbang kumupas, nabura, at nang lumaan ay naglaho. tayo.

bibitaw na sa pagkakahawak dahil batid kong matagal ka na din nagpumiglas. kasabay nito ang paglisan ng kimkim na hinanakit, panibugho, at tampong dinamdam. tunay namang di ito paglimot kungdi pagtanggap.

at ngayon sa paglaya mo, doon ay mapapayapa ako.

Si Elaine ay dalawang taon nang wala sa Pilipinas at naisulat nya ito para sa mga mahahalagang taong naiwanan nya na hindi na nya mahanap at alam nyang hindi na nya mahahanap pa.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.