Kakaiba ang hapong iyon dahil sa isang kotseng pulang nakaparada malapit sa may seawall. Amerikano sa tingin ko ang nakikipag-usap kay Ineng–ang dalagitang nakagiliwan ko nang bilhan ng sampagita.

Isang matinis na hagikhik ang narinig ko mula sa mapupula niyang labi. Iba ang dating ng hagikhik na iyon. May kilabot.

Nagbalik sa gunita ko ang unang pagkikita namin malapit sa seawall.Tuliro ang isip dahil sa isang istoryang hindi maisulat-sulat bagaman ilang ulit nang napaglipasan ng deadline.

Kunsabagay, marami namang nakaimbak sa aking file. Hindi mauubusan nang maiimprenta ang magasing pinagsusulatan ko.

“Bili na po kayo ng sampagita,” sabi niya. Bungad niya sa kalagitnaan ng pagmumuni-muni ko.

Dumukot ako ng isandaang piso sa bulsa at pinakyaw ang kanyang sampagita. Hindi ko alam kung bakit ko pinakyaw ang mga bulaklak na iyon gayong wala naman akong mapagsasabitan.

“Salamat, kuya. Ano po’ng pangalan ninyo?” sabi niya.

“Bakit mo naitanong?” tila nasusuya kong sabi.

“Wala lang. Gusto ko lang pong malaman, masama po ba?” untag niya, palabi. Noon ko lang napagmasdan na napakagandang bata pala niya. Isang napakagandang dalagita.

“Lino.” Sabi ko sa kanya tila may katabangan.

“Kuya Lino… Salamat po.” May ngiti sa kanyang labi. Sa mga mata niya, may isang bagay na hindi ko mahiwatig subalit may dalang kilabot sa kaliit-liitang himaymay ng aking namamanhid nang utak.

Kilabot na nahalinhinan ng pamamangha dahil sa mga mata niya, mahihinuha mo ang lungkot at ilang hibla ng panghihinayang sa isang bagay na kung ano.

“Hindi mo ba ako isasama tulad ng ibang naka-kotseng tulad mo?” sabi niya. Lalo akong namangha. Nakapagtataka.

“Isama saan?”

“Kahit saan.”

“Hindi. Dahil pupunta ako ng publishing house. Baka hindi mo magustuhan doon.” Parang nalungkot siya sa sinabi ko. Dinagdagan ko ng dalawang daan pa ang perang iniabot ko sa kanya. May pigil na ngiting pumilas sa magaganda niyang labi.

“Ilang taon ka na nga pala?”

“Disisais. Sige kuya, pupunta muna ako roon ha?” sabi niya. May paggiliw. Hindi ko maintindihan. Parang lalong naging mahiwaga ang hugis niya sa agaw-liwanag ng papalubog na araw sa dibdib ng Manila Bay.

Noon ko napansin ang kanyang suot. Saka ko lang napansing marami pala silang may tangan ng sampagitang lumalapit, humahabol sa mga de-kotse. Nag-aalok ng sampagita. Sumasakay sa kotse.

Noong hapong iyon, nakita kong muli siya. Pero hindi ako ang binibentahan niya ng sampagita. Iyong Amerikano sa kotseng pula.

Hindi na ako nagulat nang sumakay siya sa pulang kotse. May mabigat na bagay na dumagan sa dibdib ko. Noon ko lang naalala, tuyo na pala ang sampagitang nakasabit sa leeg ng imahen ng Mahal na Birhen sa aking kuwarto.

Si Noel ay kasalukuyang manunulat ng mga pahayagang Pinoy Weekly, Pinas at Silangan Shimbun. Nailathala na ang kanyang tula at sanaysay sa iba’t ibang pahayagan, antolohiya at chap book. Bukod sa pagiging makata at diyarista, siya rin ang coordinator ng National People’s Media and Press Center of the Philippines, Inc. – isang media NGO na nagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at tagapagbantay ng demokrasya sa bansa. Kasapi rin siya ng Kilometer 64 Literary Collective at nagsisilbing pangkalahatang kalihim ng samahan.

Noel Sales Barcelona

Dating patnugot ng pahinang pang-overseas Filipino worker (OFW) at internasyonal ng Pinoy Weekly si Noel Sales Barcelona. Naging public information...

Join the Conversation

55 Comments

  1. GREAT!!!isa na naman to sa mga the best n kwentong nabasa ko sa site na to…

    para sa mga di nakaintindi,mahina ang sense of humor nyo o di kaya, di kayo marunong makaappreciate ng mga nilalaman ng kwento…

    pero maganda talaga….

    :)

  2. intindihin nio po…. wg mging green minded, kasi kwwa nman po ang mga dalagitang gumgwa ng mga bgay o tintwg n ring ‘trabho’ na ito…
    let us pray for them…

  3. intindihin niyo po…. wag maging green minded, kasi kawawa naman po ang mga dalagitang gumagawa ng mga bagay o tinatawg na ring ‘trabaho’ na ito…
    let us pray for them…

  4. kuya noel anong klaseng maikling kwento itong sampagita…
    ito ba ay:
    kwentong pangkatauhan
    kwentong makabanghay
    kwentong pangkatutubong-kulay
    kwentong pangkaisipan

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.