(Para sa dumalagang dala ni Ka Rudy)

Aking naitanong:
Bakit ka ginanyan?

Nakatiwarik–
Nakabungkos ang mga paa
habang nababalot ng supot
ang kabuuan mong namamasa
sa init at sa alimuom
sa loob–
At habang nakatali ang tanging
bahagi mong nakaultaw
–ang iyong mga paa–
sa kableng tansong nakakabit sa metal
na silyang nakabalunbon sa lupa,
agaw-pansin ang iyong kawalang-ingay.

Nang una kang makita
sa tarangkahang sinisiglahan
ng sidhi ng araw, naipagkamali
ka sa isang laruan. Kala ko
may natuwang balutin ka ng ganyan,
italing daig pa ang parausan.
Ngunit nagkamali ako–

Kaya naman, kaagad-agad
ako0’y nag-apuhap ng patalim,
sa pagtatangkang bigyan ka
ng malayang hininga’t
nang makawala ka sa alinsangang
kanina pang nanunuot sa iyo.
Dagdag pa sa gusto ko ring makita
ang kabuuan mong tumatayo’t
nagmamalaki sa hustong pagkakalapat
ng iyong mga paa sa lupa.

Subalit naunahan ako–
Hindi ako ang nagtanggal ng tali mo.
At sa halip na nakita kang nakatayo
kinaladkad kang hawak hawak sa iyong leeg;
ang iyong mga kuko’y pakabig na gumuguhit
sa lupa, samantalang ang iyong litid
ay humahangos sa pagpitlig.

Sa sinapit mo,
Ang ‘yong tuka’y naglabas ng mahinang daing
na kinadismaya ko–
sa panahong nagtatangka ang malupit
na pagtatapos mo, ang inasahan ko’y
ungol at hiyaw na higit pa
sa tilaok ng tandang sa pagsisimula ng umaga.
Pero, ano nga bang klaseng ungol
ang aasahan ko sa iyo?
Ni di ko alam kung pinakain ka na’t
may lakas para ihayag ang hinagpis mo.

Di nagtagal, pinaliguan ka naman
ng tubig na kanina lang ay kumukulo’t
nagwawala sa kaserolang dinidilaan ng apoy.
Alam ko, mahapdi, pero
malamang di mo na naramdaman
–pagkat kanina pa nang nangisay ka–
nang ang dugo mo’y unti-unting
lumiligwak sa iyong leeg at kinuha
ang malay mo, ang buhay mo–
habang nagpipipiglas pa rin ang iyong
mga paang kahit sa huling oras
ng iyong buhay ay nakatali pa ri�t di na
muling naranasang lumaya.

Di na ko nakaimik…
nang patay ka na’y isa-isa pang binunot
ang mga balahibo sa pakpak mo’t
kinalisan ang kasingitsingitang bahagi mo
hanggang sa..
buong-buo, hubad na hubad
at hubung-hubo kang muling hinilata’t
tinawarik sa lugar na pinagpaslangan sa iyo.

Sapagkat, ang sabi nila:
Masarap ang Dumalaga.

Si Noahlyn Maranan ay kasalukuyang estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas, gradwadong antas.

Noahlyn Maranan

Si Noahlyn Maranan ay isang estudyante sa gradwadong-antas sa Unibersidad ng Pilipinas.

Leave a comment

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.