Nilalaro ko sa aking isip
kung paano kaya ako lumaki
na nandyan ka sa aking tabi.

Saang pasyalan mo ako dadalhin?
Anong mga libro ang sabay nating babasahin?

Kapag ako’y magkasala sa iyong mata,
ano ang magiging parusa?
Sinturon sa puwit,
o pagkulong sa silid?

Eh kung ako’y maging honor:
best in spelling, best in math,
best in behavior?
Itri-trit mo rin kaya ako
sa Jollibee?
O kukusutin mo na lang
ang aking buhok
habang binibida mo ako
sa aking mga kapatid?

Sabihin mo rin kaya,
ang lasa sa bibig
ng timpla mong
kanin at kape?
Ang ginhawa
ng baga
sa bawat hithit
sa
istik ng yosi?

Hindi talaga kita kilala
maliban sa pangalan mo –
na marahil ay ang iyong kaisa-isang
pamana

pero hindi ko malilimutan
ang bawat pasalubong na iyong bitbit:
melon milk, jellyace, tsokolate.

Kasama ang nanggigil mong halik,
magaspang mong baba
sa aking pisngi.

Si Om ay estudyante ng Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman at kasapi ng UP Ugnayan ng Manunulat.

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.