Lintik, umandar na naman ang aking pangangati. Kamot ako nang kamot sa harap ng tv. Madalas, ganito ang nangyayari kapag nabuburat ako at hindi na mapigilan ang sarili. Noon, nagsimula lang sa simpleng pakamot-kamot dito sa kaliwa kong paa. Mga daliri sa paa lang noon ang nauna, sabay di ko namamalayan, buong mukha ng paa na pala. Gumapang na parang ketong hanggang sa binti. At ngayon pati sa hita, mayroon nang mga butlig-butlig. Kung nagkakaroon, gumagaling din naman ang sugat. Matatapalan ng matigas na balat. Pero hindi ako makapagpigil, yung matitigas pa namang balat ang masarap. Ang sarap kutkutin, para kasing pumapalag. Ngayon, pati sa kanan nagsisimula na, bilog-bilog sila na parang barya. Tukso nga sa akin ni kuya, hoy gago, mayaman ka na. Ewan ko, pero kapag ako’y naiinis, kapag ako’y kinukulit, umaarya na ang aking mga kuko. Ayan na, tinatawag na naman ako ng ate ko, malamang, utos na naman ang ibabato nito. Habang tumatalak ang kanyang boses, kamot ako ng kamot. Para akong nasaniban. Gusto kong pasakan ang tenga ko ng kung ano. Sabi niya, hoy ikaw, maghugas ka na ng plato! E nanunuod pa ako ng balita tungkol sa pagtaas ng krudo. Walanghiya, pang ilan na ito? Dapat naglalakad na lang ang lahat ng Pilipino. Kaya lalong uminit ang aking ulo, nagsabay ang talak ni ate at balita ng krudo. Kaya kamot ako nang kamot, hindi man lang nasasaktan. Parang may sariling utak ang mga daliri at kuko. Awtomeyted sila sa pagtratrabaho. Tuwing nagkakamot, parang masarap na kuryente ang epekto. Sa bawat pag-tungkab ng balat, mas matindi pang pangagati ang nasisiwalat. Kamot ako nang kamot, kamot nang kamot. Tungkab nang tungkab, tungkab nang tungkab. Binulyawan na naman ako ng aking ate, hoy mga hugasan mo baka ipisin! E si Gloria na ang dumadakdak sa iskrin. Pinagmamasdan kong gumagalaw ang kanyang nunal na parang ring nasaniban. Kaya hala, kamot ako nang kamot. Kamot nang kamot. Tungkab nang tungkab, tungkab nang tungkab. Di ko namamalayan, laman na ang aking nakukutkot. Kaya pala medyo malambot, laman na itong aking nakutkot. Lintik, hindi ko mapigil. Nagtutubig na ang aking paa. Pero tuloy pa rin ako sa aking pagkamot. Bahala sila sa buhay nila. Gagaling din naman ito pagkatapos ng ilang araw. Ang dating sugat ay magiging matigas na balat. Pero hindi ako makakapagpigil, yung matigas pa naman ang masarap. Lintik, umandar na naman ang aking pangangati, sobrang pangangati. Kamot nang kamot, tungkab nang tungkab, habang iniipis ang pinagkainan sa lababo at nagtatalumpati si Gloria tungkol sa kasaganahan ng Pilipino.

Join the Conversation

5 Comments

  1. baguhan lang akong mang-babasa ng mga tula at iba pang mga literary works
    pero n appriciate ko ang tulang ‘to ewan ko kung bket pro may kakaibang mensahe..
    ngayo lng ako nka appriciate mg ganitong gwa..

  2. magandang araw! vlad gonzales po ng tinig.com, salamat sa pagsulat ng komento, makakarating po ito kay g. velasco. may website po siya: omnarayan.com, bisitahin ninyo para mabasa pa ang ilan niyang mga naisulat.

  3. kakaibang atakeng ito. para sa akin, tamang-tama ang iyong title. nakaka-relate ako dahil ang nanay ko ay nag-suffer o nagsususffer sa psoriasis, hindi mapigilan ang kati. sadyang may mga bagay na may sikolohikal na kadahilanan. gaya ng panahon ngayon, ang pagpapahirap ng gobyerno ang siyang kadahilan ng sakit na siyang pumepeste sa buhay ng mamamayn. maganda ang iyong mga punto!

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.