Hindi maikukubli ng manlalakbay na Amihan:
Ang pagsuong nitong Ugat, sa barikada ng kalupaan,
Sa pagtalunton nito sa daanan ng ilog na humihiyaw,
Sa pagsalubong nito sa hampas ng hanging namamaalam,
At sa pagsuway nito sa pagkaway ng mga punong naghihintay—
Upang maging hakbang sa pag-usad nitong Lakbayan.

Hindi maisasalarawan ng walang sukat na Ulan:
Ang ngitngit nitong Ugat, habang nakikipagtagisan
Sa mga bantay ng inaanay na kaharian—
Upang manatiling nakatindig itong Kampuhan.

Hindi maitatanggi ng buhay na Kasalukuyan:
Ang pagtahak nitong Ugat, sa landas ng alinlangan,
Kahit pa, bansagang kaaway ng kasarinlan,
Kahit pa, ang mga kapwa nito Ugat ay sapilitang binubungkal,
Sinasakal at tinatarakan ng nagtatalimang punyal—
Upang patuloy na mag-alab ang apoy ng Balaraw.

Hindi maiguguhit ng dumadalaw na Kaulapan:
Ang ngiti nitong Ugat, dahil sa di malayong gintaipan*
Nag-aabang ang ibong Kalaw sa kumpas ng palakpakan—
Upang sa pugad nito, muling mamukadkad ang bagong Larangan.

Higit anupaman, hindi nakakalimot ang Ugat, sa lupang
Dito’y nagkupkop, umaruga, at, dito’y nag-alay ng kanlungan.
Hindi nito nalilimot na ang ugat ng pakikibaka ng lupang
Uhaw sa laya’t kaunlaran, ay nasa kanyang pinagmulan.
Doon, ang Amihan ay kaibigan, ang Ulan ay mapagkakatiwalaan.
Doon, ang Kasalukuyan ay maaasahan, ang Kaulapan ay kalaro ng araw.

Hindi, hindi nalilimot nitong Ugat ang kanyang pinagmulan.
Batid nitong hindi sa haba ng Lakbayan at tatag ng Kampuhan
Ganap na naririnig ang palakpakan ng tagumpay. Babalikan
Nito ang kanyang pinagmulan, upang magpuyat, sa bantayan ng Bayan.

20 Mayo 2009
0009 Oras

*Gintaipan- mula sa wikang Ilonggo na ang ibig sabihin sa wikang Ingles ay Horizon.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.