At kapag ganitong ramdam na natin ang tag-init, wala tayong pinakaaasam kundi ang makapunta sa iba’t ibang paliguan sa bansa na talagang makakapagpa-relax sa atin.
Isang katangian ng Pilipinas ang kayamanan sa mga lugar na mapagbabakasyunan, o mapupuntahan para malibang at makapagpahinga pansamantala. Vacation getaway, ‘ika nga ng ilan. Bukod kase sa magagandang tourist spots sa bansa, maraming beaches at private excursion places na pwedeng puntahan ng magkakapamilya, magkakabarkada, magkakapatid at kahit pa magkakapuso.
Meron kaming napuntahan ng asawa ko noong summer 2008. Sa Laiya, Batangas, sa karagatang kung tawagin ay La Luz. Mahaba-haba rin ang tinahak namin mula sa Metro Manila. Pero sulit ang byahe. Napakalinaw ng tubig. May tutuluyan ding mga bahay. Ideal sa pamilya o barkada getaway.
Sa Batangas pa rin, first time ko sa Punta Fuego. Malaki ang resort na ito. Pati mga bahay na pinauupahan, parang vacation houses lang. Kompleto. Ang dagat dito, bagay na bagay sa banana boating at jetski. First time kong nakapag-jetski rito. Puwede ring mag-beach volleyball, snorkling at kung gustong mag-swimming, meron silang infinity pool na nakaka-relax kapag nagbabad ka roon.
Bandang norte naman, sa Bataan, nag-enjoy ako sa company outing namin noong nakaraang taon. First time kong nag-kayaking sa Montemar Beach Club. Okay ring maligo sa beach at may boat riding din na inaalok doon papasyal sa karatig-isla. Marami pang ibang amenities dito kaya swak na swak ding puntahan ito ng pamilya.
Sa katimugang bahagi ng bansa, pinalad ako at ang asawa kong makarating sa isla ng Samal. Bukod sa karaniwang tanawin ng dagat, pakiramdam mo kapag narito ka sa isla ay nasa ibang mundo ka. Malayo sa magulong siyudad at ang araw-araw ay tila paraisong ayaw mo nang lisanin. Kakailanganin mo pang sumakay ng passenger motor boat nang halos lagpas trenta minuto para makarating sa isla mula sa mainland ng Davao. Sa Pearl Farm kami napadpad at hindi lang liguan ang mai-enjoy mo rito kundi ang mga sariwang prutas na talagang kagigiliwan mong kainin araw-araw, kahit oras-oras pa.
Para naman sa simpleng pampawi ng init, okay na ring dumayo sa bahay ng kamag-anak o kaibigan na may in-house swimming pool. Ang lahat ng ito, kahit paano, ay makapagpapalimot sa mainit na panahong nagpapatagaktak ng pawis natin.
Marami-rami pa akong nasa “bucket list” pagdating sa bakasyunan/liguan/resort na gustong marating dito sa Pilipinas. Tunay nga, isang biyaya sa bansa natin ang magkaroon ng maraming likas na pasyalan na maituturing nating paraiso.