Marahil bago pa sa iyong mahal na isipan
Pagkakataong tayo’y magkalapit pa sa ating mga upuan
Kuwentuhan halakhak ating pinagsasaluhan
Alaala ng isang nagdaang samahan
Kaharap ang pisara at ating mga guro
Mundo ng pagkatuto ang ating tinutungo
Sa bawat alpabeto na ating natutunan
Bawat numerong sakit sa ulo ang bawat pagbilang
Paglakad ng panaho’y di natin namalayan
Tanging mahalaga lamang ay ang ating mga harutan
Kopyahan sa tuwing tayo’y may pagsusulit
Walang muwang sa mundong sa ati’y nagmamalupit

Ngunit ngayo’y bihira na lamang ako sa aking upuan
Bagkus ay nandoon sa telebisyon at pahayagan
Kasamang nagmamartsa patungong Mendiola
Aking kasiyahan na ay sa piling ng masa

Kinalimutan ang pangarap na sabitan ng medalya
Magkamit ng sertipikong sa pader ay ibabalandra
Ngayon ang klasrum ay di na sa pamantasan
Doon na sa loob ng sinasabi kong lipunan
Pangarap natin ay akin ng nabitiwan
Ikaw ay nagalit binansagan itong katangahan
Ngunit sitmeyt ako’y tunay na maligaya
Ang kalayaan ng bayan ang asam kong medalya
Alam kong mahirap, mapanganib ang pakikibaka
Matagalan man ito at tila wala nang pag-asa
Ginagawa ko ito upang tayo na’y magkasama
Sa lipunang bago at pantay ang sistema
Ang karunungang taglay natin ay di sapat upang ito’y tupdin
Pagkat ito’y burgis at di nga para sa atin
Ito’y itinuturo upang tayo’y hubugin
Sa paniniwalang Amerika’y tunay na Diyos sa atin

Mahal na sitmeyt pasensya ka na
Kung di na ako makasabay sa inyong mga pagkanta
Pagkat ang awit ko ay awit ng pakikibaka
Isang musika na alay sa aking mahal na masa
Sa bawat isang letra’y panugat sa pasista
Sa ritmo at himig hatid ay pag-asa
Mahal na sitmeyt pasensya ka na
Kung hindi na sa mga pasyalan ang aking punta
Sa pagtungo sa SM iba ang nakikita
Pagsasamantala ng mga negosyante’t mga kapitalista
Sa ating mga manggagawa
Sa ating mga ama’t ina
Kaya’t sa ganoong lugar
Di ko na nais magpunta

Mahal na sitmeyt
Tayo rin ay magkakasama
Magkatabi sa upuan
Saksi ng ating pagkakaibigan
Doon ay muli tayong haharap sa pisara
Pagkatapos ay hawak kamay na magmamartsa
Sa ating pagtatapos na ating inaabangan
Kasabay ng tagumpay ng masa
sa isang tunggalian

Johnelyn Kim

si Kim Garcia ay isang manunulat na hindi nakakapagsulat kapag hindi umuulan.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.