sinasabayan ng gabi ang paglalakbay
ng alikabok sa ortigas
kasama ang dilim at ang buwan
at ang ingay at ang usok
hahalikan nila ang sampaguitang hawak mo
yayakapin ka ng lamig ng gabi
susuyurin ang munti mong katawan
para kang sinasaksak
abot hanggang buto ang talim
ng lamig, tag-ulan pa naman!
bakit ka nakayuko, nakatalungko?
‘wag ka d’yan maupo, delikado!
baka kaladkarin ka ng sasakyan!
at dyaryo ang ikukumot sa iyo kinabukasan
mag-ingat ka! mag-ingat ka!
wala akong magawa
nahagip ka lamang ng mga mata ko
awa lang ang tanging handog ko
at nasang sana’y mabuti ka
bata, bakit ka nga ba nandyan?
mag-ingat ka!
hawakan mo na lamang ng mabuti
ang iyong sampaguita, at takpan mo
ang iyong ilong, maalikabok!
mag-ingat ka bata! kasama mo ang gabi!