May salagimsim ako na may darating
na ‘di kawasang lungkot. Ang ‘di mabilang na langkay
ng mga balawis na nagtatangka sa aking
abang buhay. Na nais akong pasakitan
at bigyan ng tanikala. Ang mga tandos na lagi na lamang
nakaumang. Balikuko nilang gawi na hindi humuhupa.
Kung paanong ang Etiope ay di makapagbabago
ng kanyang anyo. Ganun din ang sangganong
sapalang magbago. Ako’y waring lugpo na
sa mga aglahi nila. Ngunit pinipigilan ko pa rin
ang lumuha. Nais yata nilang humiyaw
ang ponebre. At ang katawan ko’y ibulid sa ataol.
Sila kaya’y ngingisi at sa kalauna’y
hahalakhak: Kung ako’y kanilang maigupo?