Saksing walang bibig ang lupa
sa kung paano kinakalinga, araw-araw, ng magbubukid ang bukid
bago pa man bumuka ang liwayway
hanggang sa pagkatapos ng pagtatakipsilim.
Saksing walang bibig ang lupa
sa kung paanong ang nagbibigay-buhay sa buong sambayanan
ay lagi’t laging nabubuhay sa bingit ng kamatayan.
Silang iilang nagpapasasa
sa mga biyaya ng lupang ni hindi nahahawakan
ng maseselan nilang palad —
magpasalamat sila’t walang bibig ang lupa.
Sapagkat kung may bibig ang lupa,
maisisigaw nito sa buong sansinukob
na ang mga nararapat sa kanyang pagkandili
ay hindi ang mahuhusay na mang-angkin
ng lahat ng madapuan ng kanilang paningin,
kundi ang mga naghahawan ng sukal
at nagdidilig ng kanilang pawis at dugo at luha sa mga parang.
*Binigkas ng makata ang tulang ito sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA)-Youth sa Conspiracy Bar nitong Setyembre 1.
in short piping saksi