Ginising mo ako’t nagmulat ng mata
upang ang dilim ay aking makita.
Nang masanay ako, ang hugis ng karimlan
ay hugis na anyo na ayaw kong titigan.

Akong nanabik sa tunay na liwanag
ay kaluluwa ngayong sa gabi ay lagalag.
Ni hindi mamasdan landas na naglatag
tanging naririnig paa kong yumayabag.

Paroon at paritong walang tinutunton
bilangguan kong ito’y balon ng panahon.
Walang nagnanais silipin o tabunan.
Nabihag nga ako sa kailaliman.

Sa pagkamuhi ko sa aking sinapit
ay may aral akong natutunang higit —
sa isang sulok ng mundo kung impit kang iiyak
ay aalingawngaw na parang halakhak!

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.