Iniluluha ng mga alulod na kawayan
ang pagtanda ng mga dampa
sa Sityo ng San Teodoro.
Parang anas ng hangin sa palayan
kung mangusap ang matatanda,
parang banas ng gabing maalinsangan
ang malalim nilang katahimikan
sa harap ng mahabang hapunan
ng nakahaing kagutuman.

Tubig lamang na maligamgam
at nilagang balinghoy, ganito ang tagpo
sa bahay ng matandang magkakahoy
na aming tinuluyan. Tubong Mauban,
ngunit dito, sa Sityo ng San Teodoro,
nagpatubo ng uban.
Kuwento niya,
ang damuhan sa anumang lugar
na kaniyang puntahan
ay laging nakatungo,
nagngingitngit man ang panahon,
o di kaya’y tahimik na naglilimayon
ang kurtina ng ulan
sa tapetang talahiban.

Kuwento niya,
libangan nilang magkababata
ang larong baril-barilan.
Bunga ng katikbi bilang bala,
mantsa sa damit ang kanilang medalya,
dahil hindi nahasa sa eskuwela
dahil sarado ang mga eskuwela
noong panahon ng Hapon
di niya nakabisa kahit ang katon.
Kuwento niya, kung gabi
napapanaginipan niyang palagi
ang bagay-bagay na magarbo
damit, pagkain, masasayang kalaro
habang namamalat ang putukan
sa tila napakalayong ibayo.

Kuwento niya, ilang taong nagdaan
pawang limot na nila ang larong baril-barilan,
isang dapithapon ng Hunyo
sa Barangay Cagsiay Uno,
habang nakahimpil ang mga kasama
sa kaniyang dampa
sa gilid ng burol
sunud-sunod na putok ang umungol.
Kuwento niya,
mabuti’t mabilis silang nakatakas
kung nagkatao’y di lamang gasgas
ng bala ang inabot ng braso.
Pero malas ang kababatang si Damaso,
duguan ang binti’t kamay
nang igapos sa poste ng bahay.
Kuwento niya,
hanggang ngayon sa pagtulog,
sa malayo nang Sityo ng San Teodoro,
sa panaginip niya’y lagi pa ring kumakatok
ang dampa niyang natutupok
at ang amoy ng buhok
at ang amoy ng lamang
buhay nilang sinunog.

Allanjohn Andres

Nagtapos ng kursong BA Sociology sa elbi at kasalukuyang naninirahan sa Novaliches.

Join the Conversation

3 Comments

  1. Sa NCR ako pinanganak at lumaki. Sa Southern Tagalog lang ako nag-aral noong 90’s. Bakit mo naitanong?

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.