Higit pitong daang halik
ang hindi na makababalik.
Kupkop ng sinapupunan ng dagat,
sumanib na marahil sa tubig-alat
ang mga luha. Anong panglaw
yaong pagtangis na walang nakarinig
maliban sa mga alon na noo’y
mas masidhi ang pagdaluyong.
Makailang ulit ding kumidlat,
tila kislap mula sa kamera ng langit
na humuli sa mga larawang mapapait:
Ang mga atubili: mananatili o sasapi
sa gabundok na mga alon? Dagling nilulon
ng tubig ang ilang nagpasyang tumalon.
At ang mga nalabi sa loob ay nilunod
ng pangamba. Samantala, habang nagmamasid
ang himpapawid ay mahimbing ang sanggol
na sakbibi ng inang sumiksik sa isang sulok,
gawing timog ng bapor. Malayo sa bantulot
at nagkikiskisang pulutong, nakapikit siyang
nagkurus at pagkaraa’y inihagis ang sanggol
na parang piso sa balon: “Panginoon, hiling nya,
“ihatid mo siya sa pampang ng iyong kalinga.”
Tumahan ang sigwa. Pansamantalang kapayapaan.