Noong isang taon, pumili tayo ng bagong pinuno na inasahan nating magtutulak sa bansa tungo sa pagbabago. Bago ang araw ng pagpapasya, “Change is coming” ang bulong na pumuno sa ating isipan at ang sigaw na umalingawngaw sa mga lansangan, mga parke, at mga bulwagan. Ito ang inilako ng noo’y nangungunang kandidato sa pagkapangulo, si Rodrigo Duterte.

Ang pangako ni Duterte, susugpuin niya ang droga, krimen, at korupsiyon sa loob nang tatlo hanggang anim na buwan.


Korupsiyon

Halos isang taon matapos maupo sa puwesto si Duterte, nakalusot sa Bureau of Customs ang P6.4 bilyong halaga ng shabu. Iniugnay pa sa kontrobersiya ang isang anak ng pangulo, na itinanggi ang bintang na sangkot siya sa smuggling ng droga. Kumambyo rin ang nag-akusa.

Naipuslit ang ganito kalaking halaga ng droga sa bansa at hindi nasabat ng ahensiyang itinuturing na isa sa mga pinamamahayan ng korupsiyon sa gobyerno. Hindi natin masisisi ang mga nagsasabing bigo ang pangulo na sugpuin ang korupsiyon sa loob nang tatlo hanggang anim na buwan.

Krimen

Noong Oktubre 18, 2016, kinidnap sa Angeles City ang negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo. Makalipas ang ilang buwan, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na mga pulis ang kumidnap sa Korean at pinatay siya sa loob mismo ng Camp Crame.

Noong Hunyo 27, 2017 nangyari ang tinatawag ngayong Bulacan Massacre. Ginahasa at pinatay ang 58 anyos na lolang si Aurora Dizon at ang kaniyang 35 anyos na anak na si Estella Carlos. Pinatay rin ang tatlong anak ni Estella.

Nitong Oktubre 26, binaril at napatay sa Pasay si Gerardo Maquidato Jr., itinuturing na isa sa best drivers ng Grab.

Nitong Nobyembre, may 16 na buwan matapos maluklok si Duterte, natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Bataan ang mga labi ng magkasintahang James Carl Guzman, 22, at Glory Mary Carbonell, 19. May palo sa batok ang binata, at may mga sugat sa katawan ang dalaga.

Bagama’t ipinagmamalaki ng PNP na bumaba ang krimen sa unang taon ng rehimeng Duterte,  dumami naman ang naging biktima ng extrajudicial killings (EJK) o pagpatay ng mga alagad ng batas sa mga suspek sa krimen. Karamihan sa mga biktima ng EJK sa panahon ni Duterte, mga adik o dating adik at iba pang drug suspects na pinatay na lang at hindi na dumaan sa proseso ng katarungan.

Ang ibang biktima ng EJK, napagkamalan lang. Noong Agosto 16, 2017, pinatay ng mga pulis sa isang operasyon kontra droga ang binatilyong si Kian Loyd Delos Santos, 17. Sabi ng mga pulis, nanlaban si Kian, pero nadita sa CCTV na bitbit nila ang teenager.

Pagkalipas ng dalawang araw, ang 19 anyos na dating University of the Philippines student na si Carl Angelo Arnaiz naman ang pinatay ng mga pulis Kalookan. Inakusahan si Carl ng isang taxi driver ng panghoholdap. Sabi ng mga pulis, may nakita silang droga sa kaniyang backpack. Ayon sa mga testigo, binaril ng mga pulis si Carl habang nakaluhod at nakaposas. Nakiisa ang UP Diliman sa paghingi ng katarungan para kay Carl.

Isa namang 15 anyos na buntis ang napatay sa isang ayon sa mga pulis ay armadong engkuwentro sa Cavite City noong Oktubre 23. Si Charlie Jean Du ay live-in partner ng isa umanong gang leader.

Kapag may napapatay na drug suspect, sinasabi ng PNP na nanlaban kasi ang mga ito. Ngunit iba ang nakikita sa CCTV cameras.

Samakatuwid, bigo rin si Duterte na sugpuin ang krimen sa loob nang tatlo hanggang anim na buwan. Ang mga nakatokang pumigil sa krimen, nauugnay pa sa EJK. Pero ang kakatwa, sa tuwing may krimen, ang Commission on Human Rights, sa halip na PNP, ang hinahanap ng mga loyalista ng pangulo.

Ilegal na droga

Wala pang isang linggo ang nakalilipas, nadakip ang 11 lalaki sa isang drug party umano sa Bonifacio Global City.

Noong Nobyembre 12, ginahasa, pinatay, at sinunog sa Pasig si Mabel Cama, 22, na empleyado sa sang Bangkok. Ang suspek sa karumal-dumal na krimeng ito, nagpositibo sa droga.

Noong Setyembre 9, nilason, ginahasa, at pinatay sa Muntinlupa ng tiyuhing adik ang pamangkin niyang dalawang taong gulang na batang lalaki.

Noong Setyembre 3, ginahasa at pinatay sa Pasig ang 16 anyos na si Grace Omadlao. Ang mga nahuling suspek, umaming mga gumagamit ng bawal na gamot.

Noong Agosto, isang adik naman ang nang-hostage sa kaniyang tiyuhin sa Quezon City.

Sa kabila ng napakaraming mahihirap na pinatay at mga inosenteng nadamay sa giyera kontra droga, may mga adik pa rin. Ang ilan sa kanila, nakapaghahasik pa ng lagim. Bigo si Duterte na sugpuin ang droga, at aminado siyang nagkamali siya.

Ang balak niya ngayon, ituloy ang madugong kampanya hanggang sa katapusan ng kaniyang termino.

Mga pangakong napako. Mga lansangang pinapula ng tumagas na dugo. Ito ba ang pagbabagong ipinangako?

Pilipinas, ano na?

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalathala ito ng mga personal na sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, balita at lathalain, komentaryo tungkol sa pambansang usapin, at iba...

Join the Conversation

1 Comment

  1. Hi there,

    My name is James, I’m a SEO agent in the Europe market.
    We are interested with posting high quality article in your website that is relevant to your site readers. The article will contain a link to one of site. Would you be interested in such deal?

    Thank you.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.