Sabi nila ako raw ay manhid
Hindi raw ako marunong umibig
Hindi ko raw pansin tao sa paligid
Pagkamakasarili laging nanaig

Wala silang karapatang ako’y paratangan
Pagkat di nila alam aking naranasan
Nabatid ba nila hirap kong pinasan
Nakita ba nila no’ng ako’y luhaan

Oo nga at gusto ko ang laging nag-iisa
Pagkat kalungkutan ayaw ipakita
Ang hapdi at kirot na aking nadarama
Pilit tinatago sa huwad kong tawa

Ayaw ko kasi ang ako ay kaawaan
Lalong ayaw ko rin pinag-uusapan
Kaya kapag nadarama itong kalungkutan
Pilit kinukubli aking kabiguan

Siguro nga ay masasabi na ako ay payaso
Laging nakatawa sa harap ng tao
Gustong patunayan na matatag ako
Kahit nagdurugo ang puso kong ito…

mike

Si Michael ay isang OFW sa South Korea. Kasalukuyan siyang head servant ng Baran Emmaus Filipino Community at regular na contributor sa mga newsletter sa Korea. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa 2008...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.