Sa ngalan ng “Morong 43” at ng mga nakikinabang sa kanilang libreng serbisyong pangkalusugan sa isang bansa kung saan pati yata hangin ay gustong pabayaran sa mga mamamayan, walang patlang na pasasalamat ang nauukol na ating ipaabot sa Armed Forces of the Philippines, lalo na kina Maj. Gen. Jorge Segovia at Lt. Col. Noel Detoyato.
Salamat sa kanila at nabatid natin ang mga sumusunod: na ang mga sinaunang Intsik na nag-imbento ng acupuncture ay mga kasapi ng New People’s Army, na ang mga hiringgilya’t gamot ay mga kasangkapan sa paggawa ng bomba, na ang isang matandang duktor na ang panaho’y okupado ng pagiging lider sa health program at elder ng isang simbahan ay pupuwede palang maging hitman ng New People’s Army, na ang granada pala ay pupuwedeng ilagay sa ilalim ng ating mga ulo. Salamat sa kanila at nabatid nating ang isang rehiyunal na lider ng Communist Party of the Philippines at ang isang hitman ng New People’s Army ay makaiisip na magkita sa isang lugar na gaya ng Luneta upang doon pagplanuhan ang isang operasyon.
Salamat sa kanila at natutuhan nating ang pagsusulong sa bansang ito ng karapatan ng lahat sa kalusugan ay isang akto ng rebelyon.
Pasasalamat na walang wakas, sa ngalan ng “Morong 43” at ng mga nakikinabang sa kanilang libreng serbisyong pangkalusugan sa isang bansa kung saan pati yata hangin ay gustong pabayaran sa mga mamamayan.