Ang gusto ko talaga noon ay maging journalist.
Laging nasa eksena, naghahatid ng balita,
Nakabuntot sa pulitiko, sa artista, sa terorista.

Exciting siguro ang makidnap ng Abu Sayaf
O ang mahostage ng isang nag-aamok na
senglot, pagkatapos, pakakawalan din ako

Kapalit ng hiling nyang ticket papuntang Leyte.
Mapanganib pero langit, if you lived to tell
About it. Sa harap ng kalamidad ng tao’t kalikasan,

Sa gitna ng putukan, sa piling ng mga aswang.
Habang tumitipa ako ngayon sa malulutong
Na mga tiklado ng keyboard, may nalulutong

Balita sa kung saan, may umuusok na bulkan.
At kung minamalas, may umuusok na ring
Mga bungo ng sibilyan, o ng mga taga media

Na naulanan ng tingga. Mapanganib pero langit,
if you died serving the sizzling plate of truth
sa hapag-huntahan ng nagugutom na republic.

Pero aaminin ko lately, nadisillusion ako.
Death wears many faces ika nga, pero
Meron din talagang hindi na mahitsurahan,

At takot akong isuot ang mukhang iyon
One bright afternoon in my adventure.
Nakakawala ng bayag pagmasdan silang

Literal na nawalan ng bayag, minachine gun.
Media man. Tagapamagitan. Kaya siguro
Sa gitna nila pinuruhan. May mensahe

Ang pamahalaan: tangina mo sige gumitna
Kang hindot ka. Babala sa mga mahihilig
Umeksena. Mas malagim kaysa pantasya.

Aaminin ko, nahihirapan na akong tumula.
Isang buwan na akong tulala. Isang buwan nang
Nakabitin ang mga parikala sa aking hininga.

Nasaan daw ang mga makata? Bakit kami
Piping saksi? Bakit kami nagpapahuli sa parada
Ng mga protesta? Hindi ko tatangkaing sumagot

Dito. Hindi ko tatangkaing sumagot dito. Hindi ko
tatangkaing sumagot dito. Hindi ako sigurado.
Bumubusina ako ngayon sa ibabaw ng puntod

Ng aking lungkot at poot. Pasahero ako ngayon
sa isang convoy ng mga mensaherong walang takot
na sumusugod, heavily armored ng mga taludtod.

Join the Conversation

1 Comment

  1. isa kang instrumento pra ipakita ang kalayaan nan bawat tao sa loob nan bansang nabulag, napipi at nabingi para ipakita, ipahayag ang bawat karapatan bilang isang tao ..
    :-p

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.