Manunulat, huwag mong pahihintulutang
sa leeg ng panulat mo’y may sumakal.
Tinta’y di makadadaloy nang maalwan
na magiging sanhi ng kanyang kamatayan.
* * *
Huwag na huwag mo ring papayagan
sa puso ng panulat mo’y may sumakmal.
Dadanak ang tinta, aagos sa kawalan
masasayang ang dulot niyang kabuluhan.
* * *
Lalong huwag mong pababayaan
maruming kamay sa papel mo’y dumangkal.
Kaputian niyang taglay ay madudungisan
kaya basurahan ang kanyang babagsakan.
* * *
Kapag nangyari ang kinatatakutan,
walang matitira sa iyo kinabukasan
kundi isang madilim na kahungkagan.
Itim na tintang kukulapol sa ‘yong pangalan.