Nais kong ipaabot ang aking personal na pakikiramay sa mga kamag-anak at kaibigan ni Fidela Magpayo, na kilala ng lahat bilang si Tiya Dely. Hindi mapasusubalian na si Tiya Dely ay isa sa pinakamatatag na institusyon ng radyong Pilipino. Ang kanyang pagpanaw ngayong araw matapos ng stroke noong nakaraang Sabado ay ikinalulungkot ng milyun-milyon niyang tagapakinig, kabilang na ang inyong lingkod.

Sa mga bundok o saan man mapadpad ang inyong lingkod, ang malambing na boses ni Tiya Dely ay isa sa lagi nating pinakikinggan sa pamamahinga sa gabi. Di man ako laging sang-ayon sa kanyang mga pananaw sa pulitika, kultura at buhay, sinusubaybayan ko ang kanyang nakagigiliw na mga drama at pagbibigay ng payo. Hinahangaan ko rin ang kanyang kaalaman sa wikang Tagalog. Isang karangalan para sa akin na minsan niyang paunlakan ang aking tawag at bigyan ng pagkakataon na siya ay makasaliw sa awiting “Lumang Simbahan.”

Ang di malilimutang tinig ni Tiya Dely ay tiyak na ating hahanap-hanapin sa tuwing patutunugin ang ating mga radyo. Ang kanyang pangalan at alaala ay mananatiling nakatatak sa kamalayan ng mamamayang Pilipino.

(Pinirmahan ni)
Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal
Tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas
Setyembre 1, 2008

Tinig.com

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalathala ito ng mga personal na sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, balita at lathalain, komentaryo tungkol sa pambansang usapin, at iba...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.