Hinahamon ko si Heneral Esperon at si Ginoong Razon! Kung tutoong ayaw ninyong babuyin ng mga pulitiko ang militar at ang pulisya, itigil ninyo ang pagpapagamit kay Arroyo. Si Arroyo ay hindi ang gobyerno; ang mga lumalaban sa kanya ay hindi kaaway ng tao kundi kaaway ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan.

Hinahamon ko kayong dalawa: Kung tutoong propesyonal kayo at walang pinapanigan, humarap kayo sa Senado, na siyang kinakatawan ng tao, at isiwalat ang mga nalalaman ninyong katiwalian sa gobyerno.

Mula sa Hello Garci, kung saan na pati ang clerk na sundalo na nag-encode sa report ni Admiral Mayuga ay hindi naniniwalang wala kang sabit Sir Esperon, hanggang sa ZTE at sa iba pang mga anomalyang pinapaniwalaan ng karamihan ng mga Pilipino na tinulungan ninyong pagtakpan.

Sir, hindi pa huli ang lahat para umpisahan ninyo nang paglingkuran nang taos-puso ang Inang Bayan.

Huwag ninyo nang utusan ang mga sundalo na maniktik at manakot ng mga lumalaban kay Arroyo. Hindi rin dapat gamitin ang mga pulis para i-disperse ang mga nagra-rally para sa katotohanan.

At huwag ninyong ipagpilitan na ang chain of command ay nagtatapos kay Arroyo.

Ngayon inuulit ko: Dapat na bumaba sa pwesto ang pekeng Pangulo, o paalisin sa mapayapang paraan kung ayaw niyang makinig sa taong bayan.

Ang mga sundalo ay sumusunod lamang sa mga sibilyan. Makakaasa ang Pilipino, marami pang sundalo na nagsisilbi sa bayan.

Ipagtatanggol namin kayo at ang ating demokrasya.

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalathala ito ng mga personal na sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, balita at lathalain, komentaryo tungkol sa pambansang usapin, at iba...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.