Isa na namang buhay ng nakikibakang magsasaka ang inutang ng mga kaaway ng repormang agraryo.
Si Ka Rene Peñas, kasama ang dalawa pang magsasaka, ay pauwi na sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo nang sila ay tambangan ng dalawang di kilalang lalaki at pinaputukan ng shotgun dakong alas-onse ng gabi noong Biyernes, Hunyo 5.
Kagyat na namatay si Ka Rene, na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib at ilan pang tama sa braso at katawan, samantalang ang dalawa niyang kasamahan ay nagtamo ng mga sugat at pinalad na makaligtas.
Ang karahasang ito, na mariing kinokondena ng TFM, ay bahagi ng walang humpay na karahasang ipinapataw ng mga kaaway ng repormang agraryo upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa.
Sa mahigit sandaang lider at miyembro ng mga samahang magsasaka, kabilang na ang may 15 lider at miyembro ng TFM, na napatay mula nang manungkulan si Gloria Arroyo bilang pangulo ng bansa noong 2001, wala pang naparurusahan ni isa man, at wala ring ginagawang hakbang ang pamahalaan upang iharap sa batas ang mga mamamatay-taong kriminal.
Si Ka Rene, isang lider ng samahang PAKISAMA, ay pinatay dahil sa kanyang pagtataguyod sa simulain at pakikibaka ng mga magsasaka — partikular ang mga magsasaka sa Sumilao, Bukidnon.
Kung inaakala ng mga utak sa likod ng krimeng ito na matatakot ang mga magsasaka at mapipigil ang pakikibaka para sa karapatan sa lupa, sila ay nagkakamali.
Ang pagkamatay ni Ka Rene ay lalo lamang magpapaalab sa damdamin ng mga magsasaka, at lalong magpapasidhi sa kanilang pagnanais na isulong ang repormang agraryo hanggang sa ganap na tagumpay.
Task Force Mapalad